Nasa halos 1,000 estudyante sa public schools ang tumanggap ng tig-P5,000 educational assistance mula sa Manila City Government, sa ilalim na rin ng kanilang educational assistance program.

Nabatid nitong Linggo na mismong sina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Nieto, kasama sina Manila Department of Social Welfare (MDSW) chief Re Fugoso, Councilor Niño dela Cruz, at mga social workers at child development workers ng lungsod, ang nanguna sa distribusyon ng naturang educational assistance.

Isinagawa umano ng by batches ang pamamahagi ng ayuda at ang ikatlong batch nito ay nabiyayaan ng cash aid noong Huwebes sa San Andres Sports Complex sa Malate, Manila.

Ayon kay Lacuna, ang nasabing educational cash aid ay ipinagkakaloob sa mga estudyante sa Maynila, na natukoy na pinakahigit na nangangailangan upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

“Alam ko, hindi ito sapat pero kahit papaano ay mayroon kayong mabubunot para mabawasan kahit paano ang inyong mga gastusin,” anang alkalde.

Nabatid na mahigit sa P4.9 milyon ang kabuuang halaga ng cash allowance na naipagkaloob ng pamahalaang lungsod para sa kabuuang 983 recipients na mula sa iba’t ibang distrito ng lungsod.

Sa panig naman ni Fugoso, sinabi nito na ang mga recipients ay pawang mga indigent students na naka-enroll sa mga pampublikong paaralan sa lungsod sa parehong elementary at high school at pati na children in need of special protection (CNSP).

“The said assistance is meant to augment family expenses for school needs such as “baon,” uniform, school supplies and shoes and materials for school projects, among others,” aniya pa.