Tuluy na tuloy na ang pagbubukas sa publiko ngayong Lunes ng bagong Manila Zoological and Botanical Garden matapos na sumailalim sa renobasyon.
Nabatid na sa ngayon ay maaari nang ikumpara ang bagong Manila Zoo sa Clark Safari sa Pampanga dahil sa ganda nito at kung magkakaroon ng iba pang improvements ay target ng Manila City government na maabot ang estado ng Singapore Zoo.
Bago naman ang opening ay ininspeksiyon muna nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Manila Zoo, kasama sina Parks and Recreation Bureau chief Pio Morabe,Atty. Princess Abante, na tagapagsalita ni Lacuna at ang executive assistant ng alkalde na si Evelyn de Guzman.
Inikot ng grupo ang buong pasilidad ng Manila Zoo upang masigurong handang-handa na ito para sa muli nitong pagbubukas.
Nabatid na inatasan ni Lacuna si Morabe na tiyaking tama ang mga nakasulat na pangalan ng mga hayop at halaman, pati na rin ang kanilang scientific names para sa kaalaman ng bibisitang mga bata.
Sa isang panayam matapos na mag-ikot ang grupo ng alkalde, nabatid na lilimitahan lamang sa2,000 ang bilang ng mga bibisita sa zoo dahil nasa pandemya pa ang bansa.
Hinikayat rin ng alkalde ang mga nagpaplanong pumunta sa zoo na bumili ng ticket online, o sa pamamagitan ngmanilazoo.ph, ngunit mayroon rin naman anilang 500 slots na nakalaan para sa walk-ins. Maaari anilang magbayad sa mga kiosks, 7-11, bank transfer, credit card, GCash o Bayad Centers.
Kung mayroon namang mga espesyal o mahalagang okasyon gaya ng Pasko, sinabi ng alkalde na ang kabuuang bilang ng mga bibisita sa zoo ay maaaring dagdagan.
Samantala, ayon kay Servo, base sa ordinansang ipinasa sa Manila City Council, ang mga presyo ng admission para sa Manila Zoo ay P150 para sa mga adult at bata na Manilenyo at P300 naman kung hindi residente ng lungsod; P100 naman para sa estudyanteng Manilenyo at mga city employees, at P200 para sa mga estudyanteng hindi taga-Maynila. Ang mga senior citizens at persons with disability ay pagkakalooban naman ng 20% discount habang ang mga batang dalawang taong gulang pababa ay libre lamang na makakapasok sa zoo.
Ang mga taga-Maynila ay maaaring magpakita ng kanilang government-issued IDs bilang patunay na sila ay residente ng lungsod para makakuha ng kaukulang discount.
Kaugnay nito, nagpaliwanag naman si Abante hinggil sa pagtataas ng singil sa entrance fee ng Manila Zoo.
“We have to understand na may upkeep ang Manila Zoo, kahit kayo may mga pets na aso o pusa alam nyo kung gaano kamahal mag-alaga. At the very least, magkaroon tayo ng maintaining na income na papasok para mapangalagaan ang ating mga (hayop), aside from na na-rehabilitate ang Manila Zoo, we need to make sure na ma-maintain yung upkeep yung ganda ng Manila Zoo,” aniya.
Ipinaliwanag pa ni Abante na kung ililibre ang entrance fee para sa lahat, malaki ang posibilidad na hindi mapangalagaan ang mga pasilidad at ang mga hayop at maaari pang maireklamo ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng mga animal rights advocates.
Samantala, sinabi naman ni Morabe na bawal ang pagdadala ng pagkain sa Manila Zoo.
May pagkakataon kasi aniya na may namatay na isang hayop dahil nakakain ng plastic at iba pang hindi natutunaw na bagay.
Nabatid na ang Manila Zoo ay magbubukas ng alas-9:00 ng umaga at magsasara ganap na alas-8:00 ng gabi. Gayunpaman, pagsapit ng alas-6:00 ng gabi ay magpapatupad na sila ng cut off, o ititigil na ang pagtanggap ng bisita.