Isa sa mga napag-usapan sa mainit-init na episode ng entertainment vlog na "Showbiz Now Na" nina Cristy Fermin, Romel Chika, at Morly Alinio (na hinalinhan ni Wendell Alvarez) ang umano'y pagtatangkang paglapit ni Jake Zyrus (dating Charice Pempengco) sa international singer na si David Foster upang magbaka-sakaling magka-proyekto ulit ito habang naninirahan sa Amerika.

Hinayang na hinayang ang tatlo sa sinapit ng international singing career ni Jake noong si Charice pa siya. Kung noon daw ay kaliwa't kanan ang mga trabaho at proyekto nito, ngayon daw ay tila wala itong permanenteng pinagkakakitaan o ganap sa US, at palipat-lipat daw ng tirahan. Alam na alam daw ito ng mga Pilipino sa Tate.

Tila raw wala nang gustong kumupkop kay Jake dahil tila hindi raw ito marunong makisama lalo na sa mga kasambahay ng kaniyang tinutuluyan.

Dito nga ay naungkat na ang paglapit daw ni Jake kay David Foster na nakasama niya sa mga international gigs noon, subalit tinanggihan daw ito ng manager-composer-record producer.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

"Nag-try pala na lumapit ulit kay David. Tinanggihan siya," tsika ni Cristy ayon sa kaniyang impormante.

"Kasi nagkaroon pala ng argumento noon si Charice at ang mga namamahala ng kaniyang karera sa Amerika. Na siguro ipinagtapat niya na talagang iba, may gusto ako na parang ayaw ng iba. Parang ganun. Siguro siya ay pinayuhan na 'No, stick to what you are'"

"Ikaw man ay merong ibang nararamdaman at ikaw ay isang tibo, itago mo. Ang dami-daming tibong singer sa buong mundo na nagtagumpay."

Reaksiyon naman ni Romel, sa pagiging biritera daw talaga sumikat at minahal ng mga tao si Jake, noong Charice Pempengco pa ito.

Sa ngayon daw kasi, dahil sa mga prosesong pinagdaanan niya kaugnay ng sexual reassignment ay bumaba na rin ang timbre ng kaniyang tinig na tila naging panlalaki na. Ang hinahanap daw ng mga tao sa kaniya ay ang tinig niyang pambirit.

"Nakakapanghinayang," ani Cristy.

"Iilan lamang po ang mga Pilipinong personalidad na nangarap na makilala sa buong mundo gaya ni Lea Salonga… sinayang pa niya yung oportunidad…"

Marahil din aniya, kaya hindi pa makauwi ng Pilipinas si Jake ay dahil naiisip nitong ano raw ang sasabihin ng mga tao kung sa kaniyang mag naging desisyon sa buhay, wala siyang mailalatag na nangyari sa kaniya sa Amerika.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Jake o maging ang ina niyang si Raquel Pempengco tungkol sa isyung ito.