Inaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na dayuhan na pinaghahanap umano sa kani-kanilang bansa dahil sa mabibigat na krimen.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na magkahiwalay na dinakip ng BI fugitive search unit (FSU) ang dalawang South Korean at ang dalawang Chinese sa Pasay City at Oriental Mindoro.

Arestado noong Oktubre 25 sa loob ng condominium unit sa kahabaan ng Balagtas St., Pasay City ang Koreanong si Ko Chang Hwan, 52, na pinaghahanap ng mga awtoridad ng Korea dahil umano sa pag-import ng ilegal na droga.

Ang kanyang kababayan na si Min Seokchul, 44, na nasa loob din ng condo unit sa operasyon ay isinailalim sa kustodiya dahil sa overstaying mula noong 2018.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sa unang bahagi ng buwang ito, inaresto ng mga ahente ng FSU sa Puerto Galera, Oriental Mindoro ang mga Chinese na sina Lu Changyong, 48, at Lu Changxin, 46, na parehong pinaghahanap ng mga awtoridad ng China para sa malawakang fraud.

Sinabi ng gobyerno ng China na ang dalawa ay napapailalim sa warrant of arrest na inisyu ng public security bureau sa Jilin, China para sa pandaraya sa kontrata na lumalabag sa batas kriminal ng China.

Kasalukuyang nakakulong ang apat sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportasyon.

Jun Ramirez