Naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang babae at isang lalaki na pinaghihinalaang biktima ng human trafficking nang tangkain nilang lumabas ng bansa kamakailan.
Hindi na isinapubliko ng BI ang pagkakakilanlan ng tatlo habang hindi pa natutukoy ang mga kasabwat.
Ang tatlo ay nahuli sa NAIA-Terminal 3 matapos matuklasang pawang peke ang mga dalang dokumento.
Nagtangka umanong lumusot ng tatlo sa boarding gate sa pamamagitan ng pagdaan sa employees' entrance nang masita sila ng mga tauhan ng Immigration.
Pinigil na ang mga ito matapos madiskubreng pawang peke ang hawak nilang pasaporte at boarding passes.
"This is a clear case of human trafficking, and is very alarming considering that they are trying to use these schemes to try to evade strict immigration inspection,” pahayag naman ni BI Commissioner Norman Tansingco.
Pinaiimbestigahan na rin ni Tansingco ang insidente upang matukoy ang nasa likod ng sindikato.