Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyon ng komedyante at television host na si Vhong Navarro na humihiling na baligtarin ang ibinasurang kasong grave coercion na isinampa nito laban kay Sajed Fernandez kaugnay sa pagkulong sa kanya sa condominium unit ng modelong si Deniece Cornejo sa Taguig walong taon na ang nakararaan.

Sa ruling ng CA, tinanggihan nito ang petisyon ni Navarro na tumutuligsa sa naging desisyon ng Taguig Regional Trial Court na nagbabasura sa kasong isinampa laban kay Fernandez matapos mabigo ang prosekusyon na patunayan ang pagkakasala nito.

Si Fernandez ay kasamang akusado ni Cornejo, Cedric Lee, Bernice Cua Lee, Simeon Palma Raz, Jr., Jose Paolo Gregorio Calma, at Ferdinand Guerrero, sa kasong serious illegal detention na isinampa ni Navarro noong 2014.

Ikinatwiran ng hukuman, walang "legal standing" si Navarro upang maghain ng kahalintulad na petisyon.

“Only the Office of the Solicitor General may represent the People of the Philippines on appeal. The private offended party or complainant may not take such appeal. It appears that the present petition, filed by Navarro through counsel… is without consent and authority given by the OSG,” pagdidiin ng CA.

Idinahilan din ng korte na "final and executory" na at hindi maaaring iapela ang desisyong nagpapawalang-sala kay Fernandez.

Noong 2014, inakusahan ni Navarro si Fernandez, kasama ang grupo ni Cornejo, na nagkulong sa kanya sa condo unit ng modelo kung saan siya binugbog.