Kaagad na nagpaabot ng pagbati ang aktor na si Paolo Contis sa kaniyang "friend" at leading lady sa pelikulang "A Faraway Land" na si Yen Santos, matapos nitong manalong "Best Actress" para sa 45th Gawad Urian sa ginanap na Gabi ng Parangal nitong Huwebes ng gabi, Nobyembre 17, sa Cine Adarna ng UPFI Film Center sa University of the Philippines Diliman sa Quezon City.
Ito ang kauna-unahang acting award ni Yen sa tanang showbiz career niya kaya naman proud na proud ang kaniyang espesyal na kaibigang si Paolo, dahil natamo pa niya ito dahil sa kanilang pinag-usapang pelikula, na siya ring pinag-ugatan ng mga espekulasyong higit pa sa magkaibigan ang kanilang pagtitinginan.
Matatandaang sa kasagsagan ng isyu ng hiwalayan nina Paolo at dating karelasyong si Kapuso actress LJ Reyes, ay nadawit at nakaladkad ang pangalan ni Yen na siya umanong third party, matapos silang maispatang magkasama sa Baguio City.
Bagay na pinabulaanan naman ng aktor at ipinagtanggol ang aktres, kaya sumikat ang linyahang "as a friend". Dahil sa isyung ito ay tila nanahimik sa showbiz si Yen, gayundin sa social media.
Sa pagkapanalo ni Yen kasama ng iba pang premyadong artists, isa sa mga unang nagpaabot ng pagbati sa kaniya ay si Paolo.
“Congratulations Lilieyen Santos. I’m sooooooo proud of you!! Very well deserved! See you in awhile," congraulatory message ni Paolo kay Yen kung saan itinag pa ito sa Facebook account nito. Kalakip nito ang litrato ni Yen na tinanggap ang tropeo kasama naman ang itinanghal na Best Actor na si John Arcilla mula sa pelikulang "On the Job: The Missing 8". Si Paolo ay nominado rin sa pagka-Best Actor para sa kanilang pelikula ni Yen.
Marami ang nakapansin sa new look ni Yen na blooming daw. Ito ang unang pagdalo ni Yen sa isang showbiz event matapos ang kontrobersiyang kinasangkutan. Hanggang ngayon, hindi pa siya direktang nagsasalita hinggil sa tunay na relasyon nila ni Paolo.
Sa hindi malamang kadahilanan ay hindi na makita ang congratulatory post ni Paolo para kay Yen sa kaniyang personal FB account, habang isinusulat ang artikulong ito.