Magdaraos ang Simbahang Katolika ng ‘Walk of Faith’ sa Enero 2023, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno.
Ayon kay Father Earl Allyson Valdez, attached priest ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church, wala pa ring plano ang simbahan na magdaos ng prusisyon o Traslacion para sa Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Enero 8, o bisperas ng pista.
Gayunman, magsasagawa naman aniya sila ng ‘Walk of Faith’ sa nasabing araw.
“Kahit wala yung ating tradisyunal na prusisyon ay madaragdag sa ating mga schedule of activities, yung Walk of Faith o Lakad Pananampalataya, na gaganapin sa madaling araw ng January 8," ayon pa kay Fr. Valdez sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Ibinahagi rin ng pari na magsisimula ito sa pamamagitan ng Banal na Misa ganap na alas-12:00 ng hatinggabi ng Enero 8 sa Quirino Grandstand na agad susundan ng Walk of Faith.
Sa kasalukuyan aniya ay isinasapinal pa nila ang mga rutang dadaanan ng Lakad Pananampalataya mula sa Quirino Grandstand patungong Quiapo Church.
Kaugnay nito, pinaalalahanan rin ng pari ang mga debotong lalahok sa Walk of Faith na magdala ng kandila at mahigpit na sundin ang ipatutupad na alituntunin at protocols para mapanatiling ligtas ang kalusugan ng mananampalataya.
“Ang masisigurado po namin ay magiging maayos at organisado po ito na parang isang banal at maringal na prusisyon na may physical distancing, wala po ang imahe ng Poong Hesus Nazareno subalit inaanyayahan po ang mga dadalo na magdala ng kandila at maliliit na imahe ng Poong Nazareno,” aniya pa.
Istrikto rinnilang ipatutupad ang pagsusuot ng face mask ng mga dadalo sa Walk of Faith, alinsunod na rin sa napagkasunduan ng Basilica at ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Matatandaang ito na ang ikatlong taon na ipagpaliban ng simbahan ang tradisyunal na Traslacion ng Poong Hesus Nazareno dahil pa rin sa patuloy na banta sa kalusugan ng Covid-19.
Bagamat suspendido ang Traslacion, unti unti na rin naman umanong ibabalik ng Quiapo Church ang ilan sa mga gawain tuwing kapistahan tulad ng pagsasagawa ng Banal na Misa sa Quirino Grandstand kung saan nakatanghal ang replica image ng poon para sa 'Pagbibigay Pugay' sa halip na pahalik.
Tuluy-tuloy rin anila ang fiesta masses mula sa hapon ng Enero 8 hanggang sa gabi ng pista ng Nazareno sa Enero 9, o kabuuang 34 na misa.
Nabatid na pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang Misa Mayor sa alas-12:00 ng hatinggabi ng Enero 9 sa Quirino Grandstand.