Sisimulan na sa susunod na buwan ang paghuhukay ng tunnel para sa Metro Manila Subway project, ayon sa isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr).
7Sa pahayag ni DOTr Undersecretary for Rails Sector Cesar Chavez nitong Huwebes, mag-uumpisa ang pagbubutas sa Barangay Ugong, East Valenzuela sa Disyembre 12.
Magsisilbi aniyang subway depot ang nasabing lugar.
“One of the discussions in Tokyo, 'yung actual excavation is on December 12. Actually, ito na 'yung totoo… Totoo 'yung pag-excavate," anang opisyal.
Matatandaang nagtungo sa Tokyo si Chavez upang makilatis ang binili ng pamahalaan na ikaapat sa 25 na tunnel-boring machine para sa proyekto.
Mula aniya sa Valenzuela, tatakbo pa ng isa't kalahating kilometro ang paghuhukay bago maidugtong sa susunod na istasyon--ang Quirino Highway station sa Quezon City.
Aniya, tatagal ng isang taon ang paghuhukay mula Valenzuela hanggang Quirino Highway batay na rin sa pagtaya ng mga inhinyerong Hapon.
Nasa 17 istasyon ang subway mula Valenzuela hanggang Bicutan na dadaan din sa NAIA-Terminal 3.
Mula sa dating mahigit isang oras, aabot na lang 35 munuto ang biyahe mula Quezon City hanggang airport.
Ang proyekto ay pinondohan ng P488.5 bilyon na utang ng gobyerno saJapan International Cooperation Agency (JICA).