Tila maagang pamasko ang natanggap ng "sangkabekihan" matapos i-anunsyo ang pagsisimula ng inaabangang reality show na “Drag Den Philippines” na mapapanood sa streaming platform na Prime Video Philippines.
“This is the drag lord speaking. I just want to inform you that after years and years and years of searching, I’ve finally found it!”, kapana-panabik na talak ng mismong host na si Manila Luzon sa inilabas na teaser video kahapon, Nobyembre 16, 2022.
Samantala, sa naganap na “Poison Wednesday” sa Nectar Nightclub, nauna nang ipalabas ang official trailer ng nasabing programa na siyang nagpakita sa mga drag queens na sina Maria Cristina, Aries Night, Barbie Q, Shewarma, Pura Luka Vega, Naia, Odasha Flop, at Lady Gagita na siyang maglalaban-laban para sa korona.
Pasok din sa casting ang beauty queen na si Nicole Cordoves at ang mima ng bayan na si Sassa Gurl bilang co-hosts ng Drag Den PH.
“Ako kasi, di naman ako galing sa drag scene sa bar, galing akong Miss Gay, so wala kong masyadong kaalam-alam sa drag, pero ang feeling ko kaya ako kinuha dahil gusto i-connect ng mga gumawa ng show ang mga nakshit kong kanal, at ang sining ng drag. Super na-happy ako nung kinuha nila ako kasi unang hosting gig ko to para sa isang TV series, nagkataong gustong-gusto ko pa kasi kabaklaan,” eksklusibong pagbabahagi ni Sassa Gurl sa Balita Online.
“Hoping lang na sana maging tulay ang show na 'to para sa pagtalakay ng mga mahahalagang usapin sa bansa natin at mas mabigyang spotlight ang queer art,” dagdag pa niya.
Naging emosyonal naman ang direktor na si Antoinette Jadaone nang makita ang video na galing sa Nectar.
“Sa Nectar kanina… pero ipapalabas to mamaya!!!"
"MHIE ANG EMOSYONAL KO NAIYAK AKO 🥹🥹🥹 parang bumalik yung 3 taon na niluluto pa lang namin 'to at walang gustong kumuha hayy,” lahad ni Jadaone sa kaniyang tweet mula sa video na kuha ni Franco Silva na nasa Nectar kaninang madaling-araw, Nobyembre 17.
Matatandang pumatok naman sa mga manonood ang katatapos lamang na "Drag Race Philippines" hosted by Paolo Ballesteros.
Magsisimula ang “Dragdagulan” sa Drag Den Philippines sa Disyembre 8, 2022, produced by Cornerstone at Project 8 sa direksyon ni Antoinette Jadaone at Rod Singh.