Malapit na umanong matupad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang ipinangakong ₱20 kada kilo ng bigas sa bansa.
“'Pag bibili ng bigas, kinukuha sa NFA (National Food Authority), kinukuha sa buffer stock… hindi kumikita ang NFA, kung ano 'yung pinambili nila, ganun din ang presyo kaya’t nakita ninyo 'yung bigas, ₱25 per kilo," sabi ni Marcos nang dumalo sa nationwide launching ng "Kadiwa ng Pasko" project sa Bara gay Addition Hills sa Mandaluyong nitong Miyerkules ng umaga.
“Palapit na tayo dun sa aming pangarap na mag-₱20 (per kilo of rice). Pero dahan-dahan. Aabutin din natin yan,” paniniyak ng Pangulo.
Nag-aalok aniya ng ₱25 kada kilo ng bigas sa mga stall sa nasabing lugar bilang tulong ng gobyerno sa publiko sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin.
"Pero marami pa tayong gagawin, andami pang nangyayari at wala naman tayong magawa dahil ang pagtaas ng presyo ng bilihin ay hindi naman nanggaling sa ekonomiya natin. Nanggaling 'yan sa mga pangyayari sa iba't-ibang lugar na hindi natin ma-control," paglilinaw ni Marcos.
Sa isinagawang monitoring ng Department of Agriculture (DA) nitong Martes, aabot pa rin sa ₱50 ang kada kilo ng special, ₱45 (premium), ₱40 (well-milled) at ₱38 (regular milled).
Matatandaang inihayag ng DA sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi kayang magpatupad ng ₱20 kada kilo ng bigas, maliban na lamang kung dadagdagan ang budget ng National Food Authority (NFA).