Isang pasahero ang patay habang anim na katao pa ang sugatan nang mabangga ng isang sports utility vehicle (SUV), na nawalan ng preno, ang kanilang sinasakyang tricycle sa Antipolo City nitong Martes.

Dead on arrival sa Antipolo District Hospital ang biktimang si Jehazel Embang, bunsod ng tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan.

Sugatan at nilalapatan naman ng lunas sa naturan ding pagamutan ang iba pang pasahero ng tricycle na sina Jake Iver Labao, Rhian Aguilar, Sophia Feliciano, Mitchil De-Erit at kanyang anak na si John Mendriz Seria, gayundin ang driver nito na si Jobert Labao.

Samantala, arestado naman ang driver ng Isuzu Highlander na si Juanito Bulseco.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Batay sa ulat ng Rizal Police Provincial Office, nabatid na dakong alas-11:50 ng tanghali nang maganap ang aksidente sa national road, sakop ng Brgy. Sta. Cruz sa Antipolo.

Minamaneho umano ni Labao ang kanyang tricycle, lulan ang anim na pasahero at binabagtas ang naturang lugar, nang bigla na lang silang mabunggo ng SUV na minamaneho ni Bulseco.

Dahil sa impact nang pagkakabangga ay bumaligtad ang tricycle, na nagresulta sa pagkakasugat ng mga sakay nito. Isinugod sila sa pagamutan ng mga rescuers, ngunit hindi na umabot ng buhay si Embang.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nawalan ng preno ang SUV na nagresulta sa aksidente.

Si Bulseco ay nasa kustodiya na ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso sa piskalya.