Nag-iwan ng liham si Dr. Chao Tiao Yumol sa vlogger na si Maharlika Boldyakera sa kung ano na nga ba ang lagay ng probinsya ng Basilan partikular na sa Lamitan City.

Ayon kay Yumol, naghihirap ang lugar ng Lamitan sa ilalim ng kamay ng political clan na Furigay na siyang namamalakad doon at bulag-bulagan umano ang Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga nangyayari.

Humiling rin si Yumol sa vlogger na manawagan upang mapalitan ang kasalukuyang chief of police at provincial director ng Basilan.

Aniya, halos linggo-linggo ay nagkakaputukan sa Lamitan ngunit tikom at wala umanong kibot ang nauupong alkade ng lungsod na si Roderick Furigay.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nababahala rin ang doktor sa seguridad ng kanyang pamilya dahil inalis na umano ang seguridad sa kanilang bahay at plano umanong sunugin ito.

"Maharlika,

"Nakakadurog ng puso makita ang sitwasyon ng mga pobreng senior citizen dito sa kulungan. Nang dahil sa kahirapan ng buhay ay nakapagnakaw at nakagawa ng krimen upang malamanan ang sikmura ng mga apo nila at asawa. Matatanda na sila at sobrang hirap sa buhay kaya wala na rin dumadalaw sa kanila para magbigay ng sabon, shampoo, pagkain, o maintenance ng mga gamot nila. Nakakalunos na sitwasyon. Ilang senior citizen din ang alaga ko dito — 'yung iba, ako na nagpapaligo o change diaper at pakain. Sana may biyayang dumating sa kanila galing sa gobyerno natin.

"Alam ko, hindi mo obligasyon ang maging boses ng mga taga-Lamitan pero Pilipino rin sila, palangga at wala na ako para ipaglaban sila. 110,000 Lamitenyos ang naghihirap sa kamay ng mga Furigay na 'yan at nagbulag-bulagan ang national PNP at DILG sa nangyayari sa bayan namin.

"Taos-puso akong nagpapasalamat sa'yo sa patuloy na pagtitiwala sa pinaglalaban ko. Sana mapalitan ang chief of police at provincial director ng Basilan na galing sa Manila at hindi sa BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao). Sana mabigyan ng proteksyon ang pamilya ko at bahay namin sa Basilan. Salamat ulit.

"Ipanawagan mo naman ang crisis sa peace and order sa Basilan. Halos every week, may binabaril sa Lamitan pero 'yung mayor na Furigay, wala ginagawa.

"Inalis na rin ang police security sa bahay namin lalo na sa sabi baka sunugin 'yung bahay namin. Sa dami ng patayan, news blackout lahat, local at national media. 'Yung chief of police ng Lamitan at provincial director ng PNP sa Basilan, bulag-bulagan lang. Hindi nakakarating kay Benhur Abalos ang nangyayari sa Lamitan. Salamat."

Matatandaan na nagsimulang umalingawngaw ang umano'y alitan sa pagitan ng pamilya Yumol at Furigay matapos maging suspek sa pamamaril sa Ateneo de Manila University, Quezon City noong Hulyo 24 si Yumol.

Sa naganap na insidente, tatlo ang namatay at isa doon si dating Lamitan City Mayor Rosita “Rose” Furigay.

Samantala, Hulyo 29 naman ng pagbabarilin ng riding-in-tandem ang ama ni Yumol na si Rolando sa labas ng bahay nito sa Rizal Avenue sa Barangay Maganda, Lamitan bandang 6:45 ng umaga.