Nananatili ang posibilidad na irekomenda ng Department of Health (DOH) ang pagpapalawig ng Covid-19 State of Calamity sa bansa kung hindi malagdaan ang Public Health Emergency bill sa Disyembre.

“Kapag hindi naipasa iyan by December, yun pong options natin is first–to request, of course, to the Office of the President an extension of the State of Calamity,” ani DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing nitong Martes, Nob. 15.

"Ang option talaga ay palawigin natin ang State of Calamity," dagdag niya.

Noong Nob. 11, sinabi ni Vergeire na isinusulong ng DOH ang pagpasa sa Public Health Emergency bill upang maipagpatuloy ng gobyerno ang iba't ibang hakbang sa ilalim ng State of Calamity, sakaling maalis ang naturang deklarasyon—sa gitna ng Covid-19 pandemya.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Kabilang dito ang pagpapatuloy ng programa ng pagbabakuna, pagkuha ng mga bakuna at iba pang logistik, at ang pagbibigay ng mga benepisyo para sa mga healthcare workers.

“We are giving our best together with the House of Representatives and senators also para maipasa talaga bago matapos ang taon,” ani Vergeire.

Nang tanungin kung isasaalang-alang na lamang ng gobyerno ang mga local government units para magdeklara ng State of Calamity sa kani-kanilang hurisdiksyon, sinabi ni Vergeire na hindi nila ito kinukunsidera bilang opsyon.

“I don’t think that is going to address the issue kasi ang issue natin ay national because the issue here is national: national procurement, national office issuing emergency authority for vaccines. So, that would not be an option for us,” sabi ng Health official.

Mayroon ding mga mungkahi na isama na lang ang Public Health Emergency bill sa isa pang iminungkahing panukala, aniya.

"Nung isang araw, nung nagkaroon ng hearing sa HOR, isang rekomendasyon was to just merge the Public Health Emergency bill with the Philippine Center for Disease Control Bill," ani Vergeire.

Nasa ilalim ng state of calamity ang Pilipinas dahil sa Covid-19 hanggang Disyembre 31, 2022.

Analou de Vera