Inanunsyo ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules, Nob. 16, ang planong pagbubukas ng tatlo pang satellite offices ng Office of the Vice President (OVP) sa susunod na taon upang gawing mas accessible sa mga tao ang mga serbisyo at programa ng tanggapan.

Ang OVP ay mayroong pitong existing satellite offices sa Bacolod, Surigao del Sur, Cebu, Davao, Tacloban, Dagupan, at Zamboanga.

Ang sentral na opisina nito ay matatagpuan sa Robinsons Cybergate Plaza sa Mandaluyong City.

Sinabi ni Duterte na maaari silang magbukas ng isa hanggang tatlong satellite offices depende sa kung paano ito mapopondohan mula sa budget ng OVP.

National

Chavit Singson, di raw pabor kung sakaling pumasok ang ICC sa bansa

“I-assess lang namin kung gaano 'yung budget namin, paano niya ma-accommodate 'yung one to three satellite offices,” aniya sa isang panayam.

Noong Martes, Nob. 15, nakipagpulong ang Vice President sa mga OVP satellite managers para talakayin ang mga alalahanin ng kani-kanilang opisina.

“Nagkaroon ng diskusyon na dapat maglagay ng satellite office sa eastern side ng Luzon,” saad ni Duterte.

“Meron pang mga areas sa Luzon, Visayas, Mindanao na wala pa kaming presensya,” dagdag niya.

Binanggit ni Duterte ang mga nangangailangan mula sa Isabela na kailangan pang umarkila ng jeepney para pumunta sa opisina ng OVP sa Dagupan.

Ang OVP ay magbubukas ng mga satellite office batay sa pangangailangan sa isang partikular na area of coverage.

“Ang nangyayari ang mga tao ang pumupunta dun sa satellite offices namin so iyon ang tinitingnan namin kung saan magiging parang i-divide geographically iyong areas ng ccoverage ng satellite offices making it more easier para sa mga kababayan natin,” saad niya.

Raymund Antonio