Umani ng samu't saring reaksiyon at komento mula sa mga netizen ang Facebook post na nakapangalan kay dancer-choreographer na si "Anna Feliciano" na naglalaman ng paghahanap niya umano ng tatlong karagdagang "Wowowin" dancers, na may tumataginting na suweldong ₱70,000 kada buwan!

Mababasa sa naturang anunsyo na nangangailangan ang variety show ni Willie Revillame na "Wowowin" ng karagdagang dancers, at inilista ang dapat na gawin sa pre-audition.

"I need 3 more dancers for Wowowin. Send me your dance samples if interested. Stay-in/out @ Wil Tower. Mondays to Saturdays 7-8:30pm. 70k monthly," saad dito.

Nawindang naman ang mga netizen at kaniya-kaniyang komento rito.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

"Wow, ngayon pa lang gusto ko nang mag-change of career hahaha."

"Mga besh, tara na't magpraktis nang sumayaw hahaha, ito na ang pagkakataon nating makaipon at makaahon sa lusak hahaha."

"Pagod na ako mag-Engineering parang gusto ko na lang gumiling-giling."

"How I wish Ms. Anna. It is my dream to be mentored by a very talented legend like you."

"Panahon na para lumipat sa wil tower si mama."

"Grabe mas malaki pa suweldo ng Wowowin dancers kaysa sa suweldo ng ibang work, particularly white collar jobs hahaha."

"Ito na ba ang senyales na need na mag-career change? Hahaha."

Samantala, nagpasalamat na lamang si Feliciano sa "suportang" natanggap niya.

"Nakakatuwa ang mga comments. Thank you sa warm support, mga nagreact and shares," saad sa isa pang Facebook post.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/11/14/%e2%82%b170k-a-month-paghahanap-ng-wowowin-dancers-ni-anna-feliciano-benta-sa-netizens/">https://balita.net.ph/2022/11/14/₱70k-a-month-paghahanap-ng-wowowin-dancers-ni-anna-feliciano-benta-sa-netizens/

Ngunit nakarating ito sa kaalaman ng isa sa Wowowin dancers na si "Jules Cruz" at sinabing hindi ito totoo. Aniya, poser lamang ni Feliciano ang gumawa ng anunsyong ito.

"Di po totoo 'yan. Poser po ni tita yung nagpopost po ng mga ganyan," aniya.

Bagay na sinegundahan naman ng totoong Anna Feliciano sa pamamagitan ng kaniyang Live, sa kaniyang totoong Facebook account na "Tita A. Feliciano".

Nilinaw ng dancer-choreographer na hindi totoo ang anunsyo dahil poser lamang niya ito. Noon pa man daw na nasa GMA Network pa ang Wowowin, ganito na ang ginagawa ng kaniyang poser, kaya nanawagan siya sa publiko na huwag basta-basta maniniwala.

Pinabulaanan din ng dancer-choreographer ang mga tsikang naka-bra at panty lamang ang suot ng mga aplikante kapag nagpapa-audition siya.