Isang babaeng senior citizen ang patay nang masunog ang kanyang tahanan sa Ermita, Manila nitong Martes ng umaga.

Hindi naman muna kaagad na pinangalanan ng mga otoridad ang biktima.

Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na dakong alas-10:03 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa tahanan ng biktima na matatagpuan sa Teresa St., Brgy. 661, Ermita, Manila, likurang bahagi ng Basic Education Department (BED) ng Adamson University.

Itinaas sa ikalawang alarma ang sunog dakong alas-10:09 ng umaga at umabot ng ikatlong alarma, pagsapit ng alas-10:15 ng umaga.

Sementeryo sa Albay, pinagbubutas; masangsang na amoy, umaalingasaw

Dakong alas-10:44 ng umaga na nang maideklara itong fire under control ng mga otoridad at tuluyang naapula.

Matapos ang sunog ay dito na nadiskubre ang bangkay ng biktima, na mag-isa lamang umanong naninirahan sa naturang tahanan.

Ayon sa mga residente sa lugar, posibleng napabayaang kalan ang dahilan ng sunog ngunit masusi pa itong iniimbestigahan ng mga otoridad.

Nabatid na dalawang tahanan ang tinupok ng apoy habang dalawang silid-aralan din ng Adamson University ang nadamay sa sunog.

Kaugnay nito, napilitan naman ang pamunuan ng unibersidad na agarang i-evacuate ng kanilang mga mag-aaral dahil sa sunog at usok na napupunta sa paaralan.

Malaunan ay sinuspinde na rin nila ang klase at pinauwi ang mga estudyante mula sa elementarya at junior high school.

Tigil rin muna ang pagdaraos ng face-to-face classes ng mga ito ng dalawang araw o mula Miyerkules, Nobyembre 16, hanggang Huwebes, Nobyembre 17, at magbabalik na lamang sa Biyernes, Nobyembre 18.

Samantala, tuloy naman ang regular na klase ng senior high school at ng kolehiyo ng unibersidad.