Muling nilinaw ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Martes, Nobyembre 15, na walang kinalaman ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa pondo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged /Displaced Workers (TUPAD), gayundin sa distribusyon nito sa mga recipients.

Ang paglilinaw ay ginawa ng alkalde matapos na banggitin ng isang guro sa isinagawang Kalinga sa Maynila forum, ang reklamo hinggil sa pamamahagi ng pondo ng TUPAD sa kanilang barangay. 

Ipinaliwanag naman ni Lacuna na ang pondo ng TUPAD ay mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) kaya’t hindi sangkot dito ang Manila City Government.

Nabatid na dati nang nakakatanggap ang lokal na pamahalaan ng mga reklamo hinggil sa distribusyon ng naturang pondo.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Gayunman, walang sawa at paulit-ulit naman itong ipinaliliwanag ng lady mayor.

Umapela rin siya sa lahat ng may kinalaman sa pamamahagi ng pondo na ipaliwanag sa kanilang nasasakupan at recipients na walang kinalaman ang lokal na pamahalaaan ng Maynila sa distribusyon ng pondo ng TUPAD.

Ayon kay Lacuna, sa Maynila, ay umaasa lamang ang pamahalaang lungsod sa listahan na ibinibigay sa kanila ng barangay, pagdating sa distribusyon ng cash aid.

Ang TUPAD ay isang community-based package at assistance na ibinibigay para sa emergency employment ng mga displaced workers, underemployed at seasonal workers sa loob ng minimum period na 10 araw.

Ang DOLE Field Office ang nagtatakda ng mga orientation seminars sa beneficiaries, bago sila magtrabaho at bago ibigay ang kanilang sweldo.