Magandang balita dahil mas inagahan pa ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng 24/7 operations para sa Libreng Sakay Program sa EDSA Busway.

Inanunsyo ng DOTr nitong Martes na sa halip na sa Disyembre 15, na unang nag anunsiyo, ay sa Disyembre 1, 2022 na nila ito sisimulan.

Nangangahulugan ito na sa halip na dalawang linggo lamang ay magiging isang buwan na ang implementasyon ng 24/7 operations ng libreng sakay.

Sa isang pahayag, nabatid na inatasan ni DOTr Secretary Jaime Bautista ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mas maagang ipatupad ang 24/7 operations ng libreng sakay.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

“Ang inisyatibong ito ng DOTr at LTFRB ay paraan upang siguruhin na may masasakyan ang lahat ng ating mga pasahero beyond the usual operating hours sa EDSA Busway,” ayon sa kalihim.

Matatandaang sinabi ng DOTr na ang 24/7 operations ng Libreng Sakay ay kanilang ipatutupad bilang antisipasyon sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong nalalapit na panahon ng Kapaskuhan at bunsod ng adjusted mall hours sa Metro Manila mula 11:00AM hanggang alas-11:00 PM.

Anang DOTr, maglalabas ang LTFRB ng Board Resolution upang gawing pormal ang pagpapatupad ng 24/7 libreng sakay sa Disyembre 1, sa ilalim ng Service Contracting Program nito.

Ang Libreng Sakay Program ay nakatakda nang magtapos sa Disyembre 31, 2022.