Magandang balita para sa mga solo parents at persons with disability (PWDs) sa lungsod ng Maynila.

Ito'y dahil inianunsiyo na ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Lunes ma tatanggap ang bawat isa sa kanila ng tig-₱3,000 sa susunod na buwan para sa kanilang buwanang allowance mula sa city government.

Ayon kay Lacuna, ang target na petsa nang paglalabas ng nasabing financial assistance ay sa unang linggo ng Disyembre. Tiniyak din ni Lacuna sa mga solo parents at PWDs na ang nasabing benepisyo ay magpapatuloy sa ilalim ng kanyang liderato.

Ibinahagi ng alkalde na noong siya ay dumalo sa Christmas tree lighting ng isang shopping mall at nang magtungo siya ng restroom, isang PWD ang naghintay sa labas ng restroom para tanungin lang siya kung kailan ang release ng kanilang allowance.

Sementeryo sa Albay, pinagbubutas; masangsang na amoy, umaalingasaw

“Talagang ginagawa po natin ‘yan na bi-annual kasi P500 lamang para pagdating ng ikaanim na buwan, malaki-laki ang matatanggap ng ating mga solo parents at PWDs. Pakiabangan na po. Sa unang linggo ng Disyembre ay matatanggap nyo na. ‘Wag nyo isipin na hindi na tuloy. Tuloy pa rin po ito,” pagtitiyak ni Lacuna.

Kaugnay pa nito, sinabi rin ng lady mayor na ang monthly financial assistance para sa senior citizens at university students sa lungsod ay patuloy na ibinibigay.

Ang pagbibigay ng financial aid ay bahagi ng city government's social amelioration program. Ito ay binubuo ng 15,000 senior citizens; 21,800 PWDs; 5,000 solo parents; 17,000 university students at 5,000 Grade 12 students.

Ang mga college students ay tumatanggap ng ₱1,000 monthly allowance mula sa city habang ang mga senior high school students ay tumatanggap ng ₱500 kada buwan pareho din ng solo parents, senior citizens at PWDs.   

"Makakaasa po kayo na ang inyong pamahalaang-lungsod ay patuloy na gumagawa ng paraan para paginhawain ang pamumuhay ng bawat pamilyang Manilenyo," sabi pa ni Lacuna.