Tataas pa at inaasahang papalo na sa mahigit ₱233 milyon ang jackpot prize ng UltraLotto 6/58 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa susunod na bola nito sa Martes, Nobyembre 15.

Sa abiso ng PCSO nitong Lunes, nabatid na walang pinalad na makapag-uwi ng ₱224,300,873.60 na jackpot prize ng UltraLotto 6/58 na binola nitong Linggo ng gabi, Nobyembre 13.

Wala kasi anilang nakahula sa six-digit winning combination nito na 43-46-50-16-09-17.

Mayroon namang anim na mananaya na muntik nang maka-jackpot matapos na makahula ng tiglimang tamang numero.  Sila ay nakapag-uwi ng tig-₱120,000 na second prize.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Samantala, batay sa inilabas na jackpot estimates ng PCSO, inaasahang aabot na sa P37 milyon ang jackpot prize ng Superlotto 6/49 habang ₱8.5 milyon naman ang sa Lotto 6/42 na bobolahin rin ngayong Martes ng gabi.

Muli ring hinikayat ng PCSO ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro, partikular na ang lotto.

Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, walang talo sa pagtaya ng lotto, dahil sa halagang ₱20 lang ay may pagkakataon nang magiging susunod na milyonaryo, ay tiyak na makatutulong pa sa mga kababayan nating nangangailangan.

Ang Ultralotto 6/58 ay binobola tuwing Martes, Biyernes at Linggo.