Pinataob na naman ng Gilas Pilipinas ang Saudi Arabia, 76-63 sa pagpapatuloy ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa King Abdullah Sports City sa Jeddah, Saudi Arabia nitong Lunes ng madaling araw, tampok ang 11 puntos ni 7'2" center Kai Sotto.

Ginamit ng mga manlalarong Pinoy ang second half upang tuluyang gapiin ang mga Arabo.

Bukod kay Sotto na mayroong ding siyam na rebounds at limang blocks, nanguna rin sa Gilas si Roger Pogoy sa nakubrang 13 puntos at apat na rebounds.

Umalalay din sa Gilas si Scottie Thompson sa nakolektang siyam na puntos, siyam na rebounds, tatlong assists at dalawang steals.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Pinangunahan naman nina Mathna Almarwani (19 puntos), at Khalid M Abdel Gabar (16 puntos) ang Saudi Arabia.

Naka-limang panalo na ang Gilas sa walong laro sa Group E kung saan nangunguna ang Lebanon sa rekord na 6-1, panalo at talo.

Nitong Agosto 29, pinadapa rin ng Gilas ang Saudi Arabia, 84-46, sa Mall of Asia Arena, tampok ang 23 puntos n Filipino-American Jordan Clarkson.