Kinumpirma ng Civil Service Commission (CSC) nitong Lunes, Nobyembre 14 na mahigit kumulang 1.7 milyong kawani ng gobyerno ang makatatanggap ng kanilang year-end bonus simula Nobyembre 15.
Ito ay ayon kay Commissioner Aileen Lizada, kinumpirma rin niya na ang bonus ay ang regular na year-end bonus at cash gift na ibinibigay tuwing Nobyembre.
Sinasaklaw ng bonus ang lahat ng posisyon para sa mga tauhang sibilyan maging regular, kontraktwal, o kaswal, appointive o elective, full-time o part-time, umiiral o nilikha sa mga sangay ng Executive, Legislative at Judicial, Constitutional Commissions at iba pang Constitutional Offices, State Universities and Colleges, at Government-owned and controlled corporations (GOCCs) na sakop ng Compensation and Position Classification System (CPCS) sa ilalim ng RA No. 6758.
Saklaw din nito ang kasundaluhan ng Armed Forces of the Philippines sa ilalim ng Department of National Defense at uniformed personnel ng Philippine National Police, Philippine Public Safety College, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology ng Department of the Interior at Local Government; Philippine Coast Guard ng Department of Transportation and Communications; at National Mapping and Resource Information Authority ng Department of Environment and Natural Resources.
Ayon sa Budget Circular No. 2016-4 ng Department of Budget and Management (DBM), ang Year-End Bonus na katumbas ng one-month basic pay mula Oktubre 31 at Cash Gift na P5,000 ay ibibigay sa mga karapat-dapat na tauhan ng gobyerno nang hindi mas maaga ng Nobyembre 15 ng kasalukuyang taon.
Ito ay napapailalim sa kondisyon na ang mga tauhan ay nakapagbigay ng hindi bababa sa kabuuan o isang pinagsama-samang apat na buwan ng serbisyo mula Enero 1 hanggang Oktubre 31 ng kasalukuyang taon at ang mga tauhan ay nananatiling nasa serbisyo ng gobyerno simula Oktubre 31 ng parehong taon.
Para sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan, ang Year-End Bonus at Cash Gift para sa mga tauhan na may regular na posisyon ay magmumula sa agency appropriations sa taunang General Appropriations Act (GAA).
Dhel Nazario