Nais na paimbestigahan ni Senator Ronald 'Bato' Dela Rosa ang nadiskubreng malawak na hukay sa New Bilibid Prison (NBP) kamakailan.
"Titingnan natin, paimbestigahan natin kung may nalabag na batas. Number 1 is environmental law or graft and corrupt practices or whatever laws na puwedeng ma-violate sa ganyang klaseng activity," paliwanag ni Dela Rosa sa panayam sa telebisyon.
"Tatanungin din natin 'yung purpose kung bakit nila ginawa 'yan baka meron din silang ibang na pupuwedeng ma-justify 'yung kanilang ginawa. But then again laws must be observed," sabi ng senador.
Si Dela Rosa ay dating naging pinuno ng BuCor sa panahon ng dating Pangulo na si Rodrigo Duterte.
Nauna nang nanawagan si Bureau of Corrections (BuCor) director-general Gregorio Catapang, Jr. sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang tulungan sila sa pag-iimbestiga sa sinasabing illegal quarrying.
Binanggit ni Catapang, palihim ang paghuhukay kaya hindi nila agad nadiskubre.
Nadiskubre ang paghuhukay sa NBP sa gitna ng imbestigasyon sa pagpatay kay hard-hitting journalist Percival "Percy Lapid" Mabasa.
Isinasangkot sa pamamaslang kay Lapid sina suspended BuCor chief Gerald Bantag at NBP Supt. Ricardo Zulueta.
Matatandaang pinatay si Lapid matapos pagbabarilin ang sinasakyang kotse malapit sa BF Resort Village sa Las Piñas nitong Oktubre 3 ng gabi.