Nagsanib-puwersa sina Magnolia import Nicholas Rakocevic at Calvin Abueva upang patumbahin ang Phoenix Fuel Masters, 90-80, sa PBA Commissioner's Cup sa Ynares Center, Antipolo nitong Sabado ng gabi.

Kapwa ipinamalas nina Rakocevic at Abueva ang kanilang double-double performance.

Humablot ng 18 puntos at 18 rebounds si Rakocevic habang si Abueva ay nag-ambag ng 15 puntos at 12 rebounds.

Tangan na ng Magnolia ang 7-1 rekord habang bumagsak naman sa 5-5, panalo at talo, ang baraha ng Fuel Masters.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Sa third period, umabante na ang Magnolia ng 19 puntos, 57-38, sa tulong na rin nina Jio Jalalon (12 puntos), Mark Barroca (11 puntos), Paul Lee at Ian Sangalang na nakasungkit ng tig-10 puntos.

Napanatili ng Magnolia ang bentahe hanggang sa tumunog ang final buzzer.

Nanguna naman sa Phoenix si Sean Anthony sa nakubrang 17 puntos at 10 rebounds, dagdag pa ang 11 puntos ni RJ Jazul at 10 puntos naman ni Javee Mocon.

Makakatunggali ng Magnolia ang San Miguel Beermen sa Miyerkules habang sasagupain din ng Fuel Masters ang huli sa Sabado.