Handa na umanong harapin ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag ang ibinabatong kaso sa kanya kaugnay sa pamamaslang sa mamamahayag na si Percival "Percy Lapid" Mabasa.

Ito ang pahayag ng abogado ni Bantag na si Rocky Balisong nitong Sabado ng umaga.

Katunayan aniya, hinihintay na ng kanyang kliyente ang subpoena na nakatakdang ilabas ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa naturang kaso.

"We would like to announce that he will be participating, he will be cooperating in this case para malinis ang kanyang pangalan. Gustong-gusto niya po na matanggap na sana 'yung complaint against him," lahad ni Balisong sa isang television interview.

National

Akbayan Party-list, nagpahayag ng suporta sa impeachment laban kay VP Sara

"Whether criminal or administrative, haharapin na lahat para once and for allmalinisanat malaman natin ang buong katotohanan," pahayag ng abogado.

Kamakailan, isinama si Bantag sa 160 persons of interest sa kaso matapos matuklasan sa imbestigasyon na isa ito sa binabatikos ni Lapid sa kanyang programa sa radyo.

Tiniyak din ng abogado na maghahain sila ng counter-affidavit kapag natanggap na nila ang subpoena sa kaso.

Matatandaang isinapubliko ni self-confessed gunman Joel Escorial na ipinagtapat sa kanya ng isa sa dalawang umano'y "middleman" sa kaso na si Cristito o Jun Villamor Palaña na si Bantag ang nag-utos sa kanya upang ipapatay si Lapid.

Sinabi naman ni Escorial na si Villamor ang kumontak sa kanya upang paslangin ang beteranong mamamahayag.

Gayunman, namatay si Villamor apat na oras matapos iharap sa publiko si Escorial nitong Oktubre 18.

Nitong Oktubre 3 ng gabi, pinagbabaril ang kotse ni Lapid na ikinamatay nito malapit sa gate ng BF Resort Village, Las Piñas.