Inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na ang reopening ng Manila Zoo ay iniurong nila sa Nobyembre 21, 2022, mula sa orihinal na petsa na Nobyembre 15, 2022.
Ayon kay Lacuna, layuning nitong mabigyang-daan ang mga kinakailangang pinal na preparasyon para sa naturang aktibidad.
“Sa pakiusap ng mga stall owners para lalo nila mapaganda at mapag handaan ang tuluyang pagbubukas ng Manila Zoo, minabuti natin na ipagpaliban muna ang pagbukas ng Manila Zoo from November 15 to November 21,” anunsyo pa ni Lacuna, sa kanyang social media address nitong Biyernes.
Anang alkalde, ang Manila Zoo ay mag-o-operate mula 9:00 AM hanggang 8:00 PM.
Magpapatupad rin umano sila ng cut-off sa pagpasok ng mga bisita ng 6:00 PM.
Nabatid na ang admission fees sa Manila Zoo para sa adult at bata ay P150 para sa mga Manilenyo at P300 para sa mga hindi Manilenyo.
Para naman sa mga estudyante, P100 ang admission fee kung residente ng lungsod at P200 naman kung hindi residente ng Maynila.
Ang mga Senior Citizens at persons with disability (PWD) naman ay bibigyan ng 20% discount habang ang mga batang dalawang taong gulang pababa ay libreng makakapasok sa Manila Zoo.
Ani Lacuna, ang online registration at pagbili ng mga tiket at magsisimula sa Nobyembre 20, 2022 sa pamamagitan ng manilazoo.ph.