Patuloy na dinarayo at binibisita ng mga deboto ang isang barangay sa Iligan City dahil sa isang mais na umano'y tinubuan ng nakaukit na imahen ni Birheng Maria sa dulo nito, matapos maitampok sa "Dapat Alam Mo!" ng GMA Network noong Hulyo 7, 2022.

Maraming naniniwala na mapaghimala ang naturang mais at tila may mensaheng nais iparating sa lahat, kaya ito tumubo roon.

Isang nagngangalang "Nanay Barita" ang una umanong nakapansin sa bunga ng mais na siya ring unang naging tagapangalaga nito.

Nang sumakabilang-buhay na siya, napunta na sa pangangalaga ni Virginia Ancho ang naturang "Birhen sa mais". Kahit na matagal na aniya ang mais ay hindi pa umano ito nabubulok, bagay na lalong nagpaigting sa paniniwala ng mga deboto na may kaakibat itong milagro. Naka-display ngayon ang bunga ng mais na may ukit na birhen sa isang kapilya.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Habang tumatagal daw ay mas lalong lumilinaw ang hitsura ng Birheng Maria sa naturang mais. Kung pakatititigan ngang mabuti, kitang-kita ang tipikal na hitsura ni Mama Mary habang nagdarasal, na makikita rin sa kaniyang mga rebulto.

Marami umano ang humihingi sa binhi nito upang itanim dahil naniniwalang nagdadala ng suwerte sa kanila, at nakagagamot sa kanilang karamdaman.

Ayon sa panayam ng isang siyentista na si Dr. Lolita Beato, eksperto sa usaping crop science, naniniwala siyang may "human factor" ang naturang ukit sa mais.

“Posible na ang nangyari diyan sa corn na meron kayo diyan ay it is being manipulated by human factors," aniya sa panayam.

Saad naman ni Father Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines on committee on public affairs, masusi na umano itong sinisiyasat at pinag-aaralan ng Simbahang Katolika, gayundin ng mga dalubhasa sa larangan ng agham at medisina. Hindi rin daw madaling ipaliwanag ang mga ganitong klaseng penomena.

May nagmimilagrong birhen sa mais o wala, kailangan umanong palakasin at patatagin ng mga tao ang kanilang malalim na pananampalataya sa Diyos.

“Ang pagpapalakas naman sa pananampalataya natin ay hindi nakadepende sa mga milagro. Sapat nang malaman natin na may Diyos, sapat nang malaman natin na meron tayong tagapagligtas,” saad ni Fr. Secillano.

Pero sa opinyon naman ni Virginia, may kahulugan ang paglitaw nito sa mais.

"Kaya siguro napakita ang birhen sa mais para naman ang tao sumipag silang magtanim. ‘Yung mga tao nakalimot na sa Kaniya, para magbalik sila sa pagdasal," aniya.