Dahil inabangan ng masugid na mga Kapamilya ang ABS-CBN Christmas Station ID, ilan nga ang nakapansin sa hindi paglabas dito ni “Unkabogable Star” Vice Ganda.
Inilabas na ng Kapamilya Network nitong Biyernes ang taunan nilang Christmas ID tampok ang maningning na Kapamilya stars.
Ngayon taon, tinawag na “Tayo Ang Ligaya Ng Isa’t Isa” ang bagong pamaskong tunog ng ABS-CBN. As usual, mastermind pa rin ng kanta ang creative director ng ABS-CBN Music sa pangunguna ni Jonathan Manalo.
Sa lyric video nito sa YouTube, tampok na agad ang star-studded casts na nagbigay boses sa brand-new ID.
Makikita rito ang naglalakihang Kapamilya stars kabilang na sina Anne Curtis, Kim Chiu, Sarah Geronimo, Piolo Pascual, Sharon Cuneta, Moira Dela Torre, Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Gary Valenciano, Zsaza Padilla at Martin Nieverra.
Present din ang DonBelle, KathNiel, ang Darna stars na sina Jane De Leon, Joshua Garcia, at Janella Salvador.
Makikita rin sa panibagong ID ang ilang hottest love teams nina Seth Fedelin at Francina Diaz, at KD Estrada at Alexa Ilacad.
Bukod sa maraming iba, nasipat naman ng ilang netizen ang tila missing in action na si Vice Ganda na taunang present sa espesyal na ID.
“Dapat kasali ang it’s showtime cast sa CSID 2022!” pag-abang ng isang solid na “Showtimer” sa isang YouTube video, Biyernes.
Hindi naman ito napalitan ng positibong reaksyon nang malamang absent nga ang Kapamilya star sa taunang Christmas ID.
“Bakit kaya wala si Vice sa CMAS ID?” tanong nga ng isang netizen.
Bagaman walang diretsang pahayag ang Unkabogable Star, ilan naman ang nagdepensa kay Vice sa maaaring lagare nitong schedule dahilan para hindi ito makasama sa tradisyunal na Christmas ID.
Matatandaan na nauna nang lumiban ng halos dalawang linggo ang host sa “It’s Showtime” para sa inihahandang pelikula sa Metro Manila Film Festival (MMFF) kasama si Ivana Alawi.
Sa mga nagdaang taon, ang Christmas Station ID ng ABS-CBN ay kilalang patok na mga anthem ng mga Pilipino tuwing Kapaskuhan.