Itinanggi ng ikalawang umano'y "middleman" sa pagpatay kay veteran journalist Percival "Percy Lapid" Mabasa ang pagkakadawit nito sa kaso.

Sa pagharap nito sa preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ), pinanumpaan ni Christopher Bacoto ang kanyang testimonya na hindi siya kasabwat sa kaso.

Salungat ang sinumpaang salaysay ni Bacoto sa testimonya ni self-confessed gunman Joel Escorial na nagdadawit sa kanya sa krimen.

Suot ang bullet-proof vest, dumating sa DOJ si Bacoto, kasama ang mga escort nito dalawang oras bago ang itinakdang hearing nitong Biyernes ng umaga.

Metro

Isko Moreno Domagoso, nanumpa na bilang bagong-halal na alkalde ng Maynila

Matapos ang pagdinig, kaagad na isinakay si Bacoto sa marked vehicle ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) pabalik sa piitan nito.

Itinanggi rin ni Bacoto ang testimonya ni Escorial na tumanggap siya ng₱70,000 mula sa bahagi ng₱550,000 nabayad sa pagpatay kay Lapid.

Nagtataka rin si Bacoto kung bakit binago ni Escorial ang una niyang testimonya na nagsasabing ang unang umano'y "middleman" na si Cristito Villamor Palaña o Jun Villamor, ang nag-utos upang patayin si Lapid.

“Ang unang salaysay na ito ay ginawa lamang ni Joel Escorial noong October 18, 2022, pero makalipas lamang ang apat (4) na araw, o Oktubre 22, 2022 ay nagbigay na siya ng panibagong salaysay na nagsasama na sa akin. Ano kaya ang nangyari sa apat na araw na iyon kay Joel Escorial para isama ako at baguhin ang kanyang salaysay (confession)?” bahagi ng counter-affidavit ni Bacoto.

Sinabi naman ng abogado ni Bacoto na si Salvador Quimpo na imposibleng kasangkot sa kaso ang kanyang kliyente dahil mahigpit sa loob ng BJMP detention facility kung saan bawal gumamit ng cellular phone at tanging abogado at kaanak lang ang maaaring bumisita sa kanya.

Matatandaang pinagbabaril si Lapid habang sakay ng kanyang kotse malapit sa gate ng BF Resort Village, Las Piñas nitong Oktubre 3 ng gabi.