Tila may mensahe ang komedyante at talent manager na si Ogie Diaz para sa mga politikong nakaupo ngayon sa puwesto.
Sa isang Instagram story nitong Biyernes, Nobyembre 11, may pahayag sa sinabi ng isang politiko na "tulungan ninyo naman kami na pagandahin ang imahe ng Pilipinas."
Pahayag ni Ogie, "we can only do so much. Nasa inyo ang powers, ang impluwensiya, ang pondo, ang authority-- gamitin n'yo sa tama, sa ayos, sa karapat-dapat. Nang buong katapatan."
"In that way, di natin kailangang ipagmalaki ang ating bansa. Mararamdaman nila yon kasi mga tamang tao kayo para diyan sa mga posisyon na ipinagkatiwala sa inyo ng taumbayan," dagdag pa niya.
Wala rin daw political color kung ang inuuna ng mga politiko ay ang bayan kaysa sa sarili.
"Walang dilaw, walang pula, walang berde at asul. Kasi ang iniisip niyo: BAYAN MUNA BAGO ANG SARILI."

Matatandaang nanawagan sa media si Senate President Miguel Zubiri noong Nobyembre 7 na tulungan umano sila na pagandahin ang imahe ng Pilipinas.
Nangyari ang panawagan ito nang mahuli na ang bumaril sa mamamahayag na si Percy Lapid.
"I appeal to the media, tulungan niyo naman kami na pagandahin ang imahe ng Pilipinas. Katulad noong Percy Lapid na 'yan, nahuli na nga 'yung bumaril at mahuhuli na nga 'yung mastermind. Tumulong naman kayong i-announce 'yan sa buong mundo," ani Zubiri.