Hinamon ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na magbitiw na sa puwesto matapos siyang ituro na nagpapatay sa beteranong mamamahayag na si Percival "Percy Lapid" Mabasa.
"Wala kang kuwentang secretary. Step down ka na! Mawalang galang...'Wag mong sirain ang magandang pangalan ng Department of Justice (DOJ) pati ng NBI (National Bureau of Investigation)," reaksyon ni Bantag matapos ang ekslusibong panayam ng SMNI News Channel nitong Biyernes.
Sinabi nito na isang "German Agoo" na nasa Witness Protection Program (WPP) ng DOJ at tauhang sina Cristito Villamor Palaña na umano'y "middleman" sa pagpatay kay Lapid, at Joel Escorial ang nasa likod ng pamamaslang kay Lapid.
Sa nasabi ring panayam, ibinunyag din ni Bantag na involve din ang grupo ni Agoo sa pagpatay sa isang judge sa Tagaytay kamakailan.
Ang mga ito aniya ay galit na galit umano kanya kaya siya idinadawit sa pagpatay kay Lapid.
Nagkaisa aniya ang grupo ni Remulla upang sirain siya sa pamamagitan ng pagdiin sa kanya sa kaso.
Naniniwala si Bantag na nagsimula ang lahat nang ipa-pullout umano sa kanya ni Remulla ang dalawang drug lord sa nasa WPP.
Binuweltahan niya rin si Remulla dahil pinasusuko siya nito kahit wala pang warrant of arrest kaugnay ng kasong pagpatay kina Lapid at Villamor.
Binanggit din nito ang naging kaso ng anak ni Remulla na si Juanito Jose Remulla III na naaresto sa pagdadala ng illegal drugs sa Las Piñas nitong nakaraang buwan.
Aniya, magbibitiw siya kaagad kung may anak siyang dawit sa iligal na droga upang hindi pagdudahan ng publiko
Iginiit din nito na hindi siya nagtatago mula nang suspindihin siya ng tatlong buwan.
Matatandaang sinabi ng self-confessed gunman na si Escorial na si Villamor ang nag-utos sa kanyang grupo upang paslangin si Lapid.
Inamin din umano sa kanya ni Villamor na si Bantag ang nag-utos sa kanila na patayin si Lapid.
Matatandaang pinagbabaril si Lapid habang sakay ng kanyang kotse sa labas ng gate ng BF Resort Village sa Las Piñas nitong Oktubre 3 ng gabi.