TIAONG, Quezon -- Patay ang isang construction worker habang sugatan naman ang tatlo niyang katrabaho nang makuryente sila habang nagkakabit ng solar street light sa Brgy. Talisay ng bayang ito nitong Huwebes ng hapon, Nobyembre 10.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Christian Caalaman, residente ng Brgy. Ibabang Talim, Lucena City at ang mga sugatan na sina Arnel Gonzaga Dela Cruz, 42, residente ng Sitio Nagkakaisa, Brgy. Magallanes; Ronel Gonzaga Dela Cruz, residente ng Sitio Nagkakaisa, Brgy. Magallanes; at Jomel Dela Torre Benuza, residente ng Sitio Duluhan, Brgy. Villa Aurora.
Nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan si Caalaman at dinala pa ito sa Peter Paul Medical Center ng Candelaria, ngunit ito ay idineklarang dead on arrival ng attending physician na si Dr. Ronald Ty.
Dinala rin sa nasabing ospital ang tatlo pang sugatan.
Sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente dakong alas 3:40 ng hapon habang nagkakabit ang mga biktima ng solar street light sa tabi ng Maharlika Highway sa naturang lugar nang aksidenteng tumama ang poste ng bakal sa high tension wire na linya ng Meralco na nagresulta sa pagkakakuryente nila.
Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang mga biktima dahil sa malakas na boltahe.