Kahit si Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Gregorio Catapang, Jr. ay nagtataka na rin kung bakit naipon ang mga namatay na preso sa National Bilibid Prison (NBP).
“Trabaho ‘yan ng previous administration, eh. Pero ang tingin ko, negligence ‘yan o mismanagement. Bakit naipon ang patay na ’yan?” ayon kay Catapang.
Tinukoy ni Catapang ang nakatambak na bangkay ng mga preso sa Eastern Funeral Homes sa Muntinlupa mula pa noong Disyembre 2021.
Ang naturang funeral homes ay nag-iisa at accredited ng BuCor.
Nababahala naman si forensic pathologist Dr. Raquel Fortun sa nasabing usapin.
“Now, there’s this question of, baka may foul play? And I think, medyo taasan ng kilay bakit ang daming namamatay sa preso sa Bilibid? And that’s a bad sign,” ayon sa kanya.
Pinaplano na ng Department of Justice na i-autopsy ang 176 na bangkay upang madetermina ang kanilang ikinamatay.