Kanselado pa rin ang tradisyunal na Traslacion para sa Poong Itim na Nazareno sa Enero 9, 2023.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na hindi magdaraos ng Traslacion ang Quiapo Church dahil sa pandemya ng Covid-19.
Ayon kay Quiapo Church Attached Priest Fr. Earl Allyson Valdez, nagdesisyon ang Quiapo Church na suspindihin muli ang Traslacion sa susunod na taon upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao mula sa iba't ibang panig ng bansa sa Quiapo dahil nananatili pa rin ang banta ng Covid-19.
Ikinukonsidera rin umano nila ang kalusugan at kaligtasan ng mga matatanda at mga taong may comorbidity, na mas vulnerable sa Covid-19, na nais magtungo sa prusisyon.
Nilinaw naman ni Valdez na ang Traslacion lamang ang suspendido habang ang iba pang aktibidad na may kinalaman sa pista ay magpapatuloy pa rin.
Kabilang na aniya rito ang pahalik sa imahe ng Itim na Nazareno, na ginaganap sa Quirino Grandstand.
“Bagamat walang tradisyunal na prusisyon, ay ang lahat ng ating nakagawiang aktibidades na may kinalaman sa Kapistahan ng Itim na Nazareno ay matutuloy po,” ayon pa kay Valdez, sa panayam sa radyo nitong Huwebes.
Magdaraos pa rin umano sila ng hourly masses sa Quiapo Church, simula alas-12:00 ng madaling araw ng Enero 9, sa pangunguna ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Magkakaroon pa rin ng mga banal na misa sa iba pang mga simbahan sa Metro Manila at iba pang mga lalawigan sa Luzon, para sa mga debotong hindi makakapunta sa Quiapo Church para sa selebrasyon.
“Ang aming layunin ay kung hindi makapupunta para sa Traslacion, ay ang Nazareno na mismo ang tutungo sa kani-kanilang lugar at simbahan,” ani Valdez.
Bilang bahagi naman ng health protocols sa Quiapo Church, ang mga churchgoers ay pinapayuhang magsuot pa rin ng face mask sa loob ng mga simbahan.
Magkakaroon pa rin umano ng hiwalay na entry at exit points para matiyak ang physical distancing at makaiwas sa posibleng hawahan ng Covid-19.