Nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na hindi nila ipinagbibili ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Ang paglilinaw ay ginawa ng DOTr nitong Miyerkules kasunod ng mga naglabasang ulat na 'for sale' na umano ang MRT-3.
Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, ikinukonsidera lamang nila ang posibilidad na i-turn over ang Operations & Maintenance (O&M) ng MRT-3 sa kuwalipikadong private sector operators upang mapaghusay ang operational efficiency nito.
Binigyang-diin din naman ni Bautista na ang railway system ay dapat na manatiling pinaka-affordable at pinaka-ligtas na uri ng mass transit sa bansa.
"We are looking at partnering with private rail operators for DOTr MRT-3’s operations and maintenance under the same scheme with LRT 1 with the rail lines assets remaining government owned," ayon pa kay Sec. Bautista.
Inaasahan aniya nila na kapag naisa-pribado ang O&M ng MRT-3 ay higit pang huhusay ang efficiency at safety ng MRT-3.
Bukod dito, mababawasan rin ang operational cost nito upang mapanatili ang abot-kayang pamasahe.
Nabatid na ang operasyon ng railways sa metropolis, kabilang ang MRT-3, at Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT 2), ay patuloy na sina-subdized ng pamahalaan upang maging mapanatiling affordable ang pasahe nito.