Ipinag-utos ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang pagpapasara ng artificial tourist attraction na "Igorot Stone Kingdom" dahil sa mga isyu sa permit at kaligtasan, ayon mismo sa Public Information Office (PIO) ng lungsod noong Martes, Nobyembre 8, 2022.

Ayon kay Magalong, ang stone structures ng Igorot Stone Kingdom ay hindi sakop ng building permit at hindi tiyak ang “structural integrity” na nagsisilbing tourist attraction ngayon sa naturang lungsod.

Sang-ayon pa sa alkalde, ang pagsasara sa lugar ay mahalaga upang maiwasan ang mga posibleng panganib na nauugnay sa kakulangan ng sertipikasyon ng atraksyon na kinakailangan upang matiyak ang kaligtasan nito at ng mga bumibisita dito.

Sa isinagawang Climate Risk and Vulnerability Assessment ng LGU, lumalabas na nasa “very high landslide exposure” ang imprastraktura. Idinagdag din ni Magalong na ang lugar ay itinalaga bilang "prone to erosion" ng Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources.

Sinabi ni Magalong na dati nang ipinaalam sa may-ari ang mga paglabag sa permit at sinabihang sumunod sa mga kinakailangan ngunit hindi ito ginawa.

Iniulat ng PIO ng Baguio City na ang pamunuan ng imprastraktura ay nagpatuloy sa pagpapatayo ng mga estruktura sa lugar at sinuway umano ang mga utos mula sa pamahalaang lungsod dahilan upang magsampa ng kasong kriminal ang City Buildings and Architecture Office para sa paglabag sa National Building Code.

Sa ngayon ay wala pang opisyal na pahayag ang pamunuan ng Igorot Stone Kingdom tungkol dito.

Kamakailan ay nag-viral ang isang lalaking dayo na nagpa-"Hep! Hep! Hooray!" sa mga kapwa turista niya.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/10/02/lakas-trip-kelot-nagpa-hep-hep-hooray-sa-igorot-stone-kingdom-naghatid-ng-good-vibes/">https://balita.net.ph/2022/10/02/lakas-trip-kelot-nagpa-hep-hep-hooray-sa-igorot-stone-kingdom-naghatid-ng-good-vibes/