Nabigla ang mga manonood ng National Collegiate Athletic Association o NCAA Season 98 sa tapatan ng koponan ng College of St. Benilde at Jose Rizal University nang mag-initin ang ulo, manugod, at masuntok ni JRU Heavy Bombers member John Amores ang dalawa sa teammates ng St. Benilde Blazers na sina Jimboy Pasturan at Taine Davis.

Kitang-kita sa mga kumakalat na video na nasuntok ni Amores sa mata si Pasturan habang nakatikim naman sa kaniyang panga si Davis, na naging dahilan upang mahilo ito sa ilang minuto. Kaagad naman inilabas sa court si Amores at inawat na ito ng marshals.

Agad na dinala sa ospital at ipinasailalim sa physical examination sina Pasturan at Davis ng College of St. Benilde upang masuri kung may iba pang concern o impact sa naging pag-atake ni Amores.

Salaysay ni Davis sa panayam, aawatin lamang sana niya si Amores subalit nangyari na nga ang pananapak. Tinangka lamang daw niyang protektahan ang kaniyang teammates, at sa totoo lamang daw, hindi niya alam kung ano na ba ang nangyayari.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Basahin: https://balita.net.ph/2022/11/09/basketball-mistulang-nauwi-sa-boksing-dahil-kay-john-amores/">https://balita.net.ph/2022/11/09/basketball-mistulang-nauwi-sa-boksing-dahil-kay-john-amores/

Nag-react naman dito ang fitness instructor, vlogger, at motivational speaker na si Rendon Labador.

"Grabe yung talent na ipinakita niya. Ano masasabi ninyo?" saad ni Rendon sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Nobyembre 8.

"Yan ang mga gusto kong kalaban sa basketball…" komento pa niya sa litrato ni Amores.

Hindi ito ang unang beses na nanapak si Amores. Bago ang insidenteng ito, napatikim niya ng kamao si Mark Gil Belmonte ng koponan ng University of the Philippines.

Kaya naman, marami sa mga netizen ang nagpapahayag ng kanilang saloobin na huwag nang payagang paglaruin si Amores sa mga susunod pang games.

Samantala, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang NCAA Management Committee hinggil sa naturang insidente. Ngayong Nobyembre 9, Miyerkules, nagdesisyon na ang NCAA Committee na patawan ng indefinite suspension si Amores sa paglalaro dahil sa insidente ng pananapak.