Nagpahayag ng suporta sina Senador Ramon Bong Revilla, Jr. at Senador Grace Poe kay Senador Jinggoy Estrada hinggil sa kasalukuyang sitwasyon ng industriya ng pelikulang Pilipino.

Sa naganap na plenary session nitong Martes, Nobyembre 8, sinabi ni Revilla na panahon na upang pagtulungan-tulungan na maiahon ang industriya ng pelikulang Pilipino na pinadapa umano ng pandemya sa loob ng mahigit dalawang taon at ngayo'y mas naghihingalo pa dahil sa paglaganap ng dayuhang pelikula.

“Suportado ko ang pahayag ni Sen. Estrada dahil ramdam ko bilang artista ang kaniyang pagmamalasakit na muling buhayin ang pelikulang Pilipino at malaking-malaki ang tsansa nating magawa ito," ani Revilla. 

Samantala, suportado rin ni Senador Grace Poe, anak ng yumaong si Fernando Poe, Jr., ang paghingi ng tulong ni Estrada sa gobyerno upang makapagbigay ng maraming insentibo para sa industriya ng pelikula sa bansa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Poe, inihain niya ang Senate Bill No. 867 o ang Philippine Film and Television Tourism Act of 2022 upang mai-promote ang Pilipinas sa pamamagitan ng video o cinema screen.

Sinabi rin ng senadora na ang pagbibigay ng mga insentibo sa local entertainment industry ay makapagbibigay ng mas maraming trabaho sa mga taong nahihirapan dahil sa pandemya.

“Not only will it provide jobs but it will also promote the industry. One film showcasing the beauty of the Philippines, that’s millions of dollars that we save on advertising. I hope that we pass the Philippine Film and Television Tourism Act,” saad ni Poe.

Matatandaang unang nagpahayag si Estrada hinggil sa sitwasyon ng film industry sa bansa.

“Paano ba natin matutulungan ang naghihingalong industriya? Kailangan ba nating i-subsidize ang paggawa ng mga pelikula? How will we do it? Should we give incentives to the movie producers or review the current tax structure?” anang senador.

“Naniniwala ako na hindi malaking kawalan ito sa kita ng gobyerno. Sakali man na tanggalin ito, maaari natin ito na mabawi dahil kung mapapasigla natin ang entertainment industry, lalaki ang labor force at lalago ang industriya na maaaring mapagkunan ng mga tinatawag na recoupment tax gaya ng business tax or business permit para sa mga local governments, corporate income tax ng mga bagong korporasyon, withholding tax sa mga manggagawa sa industriya at lalago ang consumption tax o VAT,” aniya pa.

Basahin:https://balita.net.ph/2022/11/09/jinggoy-estrada-humihingi-suporta-sa-gobyerno-para-sa-naghihingalong-film-industry-sa-bansa/" target="_blank">https://balita.net.ph/2022/11/09/jinggoy-estrada-humihingi-suporta-sa-gobyerno-para-sa-naghihingalong-film-industry-sa-bansa/