Posible umanong umabot na lamang sa 500 kada araw ang mga maitatalang bagong kaso ng Covid-19 sa bansa sa pagtatapos ng Nobyembre.

Ito, ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, ay kung magtutuloy-tuloy ang naoobserbahang downtrend ng mga bagong impeksiyon.

Sa isang public briefing nitong Lunes, sinabi ni David na kapag nangyari ito, ang mga kaso ng sakit sa National Capital Region (NCR) ay posibleng bumaba pa sa 100 na lamang kada araw.

Ani David, ang Covid-19 indicators sa NCR ay bumababa na rin.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aniya, ang seven-day case average sa rehiyon ay nasa 210 na lamang kada araw sa ngayon.

“Parang ito na 'yung pinakamababa since bago itong wave na ito, nung panahon ng eleksyon,” aniya.

Samantala, ang reproduction number ng sakit sa rehiyon ay bumaba pa sa 0.68 na lamang habang ang growth rate naman ay nasa -38%.

Ang average daily attack rate naman ay nasa 1.46 na lamang habang ang healthcare utilization ay nasa 28% naman.

Sinabi naman ni David na kumpiyansa siyang magpapatuloy ang kasalukuyang trend dahil ang mga tao ay natututo nang protektahan ang kanilang sarili mula sa virus.

“Ako, confident ako na magpapatuloy 'yung trend kasi ayun nga, mga kababayan natin, natuto na tayo na protektahan sarili natin. Hindi na natin kailangan magsara ng ekonomiya o ng tourism industry,” aniya pa.

Ani David, bukod sa NCR, nakikitaan na rin nang pagbaba ng positivity rates ng Covid-19 ang mga lalawigan ng Rizal, Bulacan, Pampanga, Cavite, Laguna, at Batangas.