Nakipag-ugnayan na umano sa naulilang pamilya ni Noel Escote ang delivery service company na pinaglilingkuran nito, ayon sa update ni Senadora Risa Hontiveros, sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Nobyembre 8.
Si Noel ang delivery rider na natagpuang wala nang buhay habang nakahiga sa kaniyang sariling motorsiklo na ginagamit sa kaniyang hanapbuhay noong Nobyembre 1.
Sumulat ang live-in partner ni Noel kay Senadora Risa upang tulungan silang manawagan ng tulong sa kompanyang pinagtatrabahuhan ng kaawa-awang delivery rider.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/11/08/sen-risa-sinulatan-ng-partner-ng-rider-na-natagpuang-patay-sa-motorsiklo-nanawagan-sa-kompanya/">https://balita.net.ph/2022/11/08/sen-risa-sinulatan-ng-partner-ng-rider-na-natagpuang-patay-sa-motorsiklo-nanawagan-sa-kompanya/
"Magandang balita na nakikipag-ugnayan na ang Lalamove sa naulilang pamilya ni Mr. Noel Escote," ayon sa post ni Hontiveros.
Sa kabilang banda, may ilang mahahalagang punto lamang umano na dapat mabigyang-pansin sa pangyayaring ito.
"The statement of the company that he was 'not fulfilling orders on the day of the incident' is adding insult to injury. On the day he tragically lost his life, Mr. Escote opted to ride his motorcycle to work, even on a holiday, and waited for someone to book his service as a Lalamove rider. Bahagi ng trabaho ng delivery riders ang paghihintay ng order, hindi lang pagsasakatuparang ma-deliver ang order."
"Isa pang mahalagang punto, hindi ba’t natagpuan siya sa kaniyang motorsiklo? Hindi ba’t 'workplace' ang kaniyang motorsiklo? Hindi ba’t kapag namatay ang isang empleyado sa workplace, considered work-related ang pagkamatay?"
Muling iginiit ni Hontiveros ang pagkakaroon ng matatag na polisiya tungkol dito,
"This precisely demonstrates the necessity of having a policy and legal regime in place for gig economy workers to prevent further abuses and to finally shed light on these gray areas."
"Binawian ng buhay si Noel na nagtataguyod sa kaniyang pamilya at sa kompanyang itinuring niyang makakatuwang sa buhay. Sana sa huling pagkakataon ay mabigyan naman ng dignidad ang kaniyang sakripisyo at dedikasyon sa trabaho," ayon pa sa senadora.