Isang dekada na mula nang wasakin ng superbagyong Yolanda, isa sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng mundo, ang Kabisayaan, nananatiling kuwento ng paulit-ulit na pagbangon ang tila naging aral lang nito sa bansa.
Bagaman isang bangungot sa kalakhang nakaligtas sa delubyo, ang bilang, detalye, at kalakip na mga istorya nito ay naghuhumiyaw na paalala sa maaari pang idulot ng climate change sa hinaharap.
Maliban pa sa mapaminsalang bagyo, dahil nakapuwesto ang bansa sa Pacific Ring of Fire, ang Pilipinas ay hindi rin ligtas sa banta ng malalakas na paglindol kalakip ang banta ng tsunami at pagsabog ng bulkan.
Sa katunayan, tatlong linggo lang bago tumama ang superbagyong Yolanda sa bansa, mahigit 200 katao ang naunang nasawi sa magnitude 7.2 na lindol sa Bohol at Cebu.
Balikan ang malawakang pinsala at ngitngit ng kalikasan sa iniwang datos ni Yolanda:
1. Sa lakas na umabot sa 315 kph at bugsong 380 kph, ang superbagyong Yolanda ay pumasok sa category 5 hurricane scale at tinaguriang isa sa pinakamalakas na bagyong nag-landfall sa kasaysayan ng mundo.
2. Anim na beses na tumama sa lupa ang bagyo sa ilang bahagi ng Visayas noong Nob. 8, 2013. Kabilang sa mga tinumbok nito ang Guiuian, Eastern Samar ng 4:40 am; Tolosa, Leyte ng 7:00 am; Daanbantayan, Cebu ng 9:40 am; Bantayan Island, Cebu ng 10:40 am; Concepcion, Iloilo ng 12 noon; at Busuanga Palawan ng 8:00 pm.
3. Tinatayang aabot sa 6,300 ang nasawi sa bansa. Kalakhan dito ay mula sa ilang lugar sa Leyte at Samar.
4. Ayon sa datos ng World Vision, nasa 1,800 iba pang katao ang hindi na natagpuan, at pinangangambahang nasawi rin matapos ang pananalasa at malawakang storm surge.
5. Sa bagsik ni Yolanda, ayon sa isang pag-aaral noong 2015, tinatayang umabot sa 7 metro o nasa higit 22 talampakan ang naging taas ng daluyong o storm surge na rumagasa sa ilang baybaying komunidad sa Leyte, at Samar.
6. Nasa 90 porsyento o 1.1 million ng mga kabahayan at ari-ariang dinaan ng bagyo, at daluyong ang napinsala.
7. Apektado nito ang nasa 14 katao sa 44 na apektadong probinsya kung saan 4.1 ang naitalang agarang bakwit.
8. Tinatayang umabot sa 33 milyong puno ng niyog ang pinatumba ni Yolanda. Dahil pangunahin itong hanapbuhay sa rehiyon, umabot sa 5.9 manggagawa sa naturang industriya ang nawalan ng trabaho.
9. Ayon sa ilang ulat, umabot sa pagtaya ng $5.8 billion-$14 billion ang kabuuang danyos ng superbagyong Yolanda sa Pilipinas.
10. Ang superbagyong Yolanda ay inilagay sa Category 3 disaster ng World Health Organization (WHO). Katumbas ito sa magnitude 7.0 lindol sa Haiti at Indian Ocean tsunami noong 2004.
Aral ni Yolanda
Siyam na taon matapos ang pananalasa ni Yolanda, bagaman tuluyan nang nakabangon ang ilang lugar na pinadapa nito, nananatiling paulit-ulit na istorya sa bansa ang malawakang epekto ng mga sakuna, lalo na dulot ng malalakas na bagyo.
Sa katunayan, naitala ang Pilipinas bilang “third most at risk of natural disasters” ng 2017 World Risk Index ng UN sa nasa 171 bansa sa mundo.
Sa pananalasa ni Bagyong Paeng noong Oktubre, hindi bababa sa 121 ang nasawi -- tila malinaw na senyales pa rin ng mahinang pundasyon ng gobyerno ng bansa pagdating sa kahandaan at mitigasyon sa malawakang epekto ng mapaminsalang bagyo.
Sa huli, mananatiling naghuhumiyaw na aral pa rin ang mga iniwang bilang ng mga nasawi, hanggang sa nabubuhay pa ring bangungot sa mga nakaligtas ang kuwento ng superbagyong Yolanda.
Ang sigurado, ang istorya ni Yolanda ay hindi istorya ng katatagan at pagbangon, bagkus isang paalala na ang kalikasan ay may nakakubling bagsik, at tanging ang nakapaghahanda lang ang makaliligtas dito.