Viral ngayon sa social media ang Facebook post ng netizen na si "Lord Harvey" matapos niyang ibahagi ang litrato ng kaniyang mga napamili sa isang grocery store, sa ₱1,000, na dati-rati ay marami-rami na ang nabibili.
Ngunit ayon kay Lord Harvey, lagpas ₱1,000 na raw ang kaniyang mga napamili subalit kulang pa ito sa kadalasan niyang binibili noon, bilang namumuhay siya nang mag-isa sa kaniyang tinutuluyan, dulot na rin ng inflation.
Ilan sa grocery items na makikitang pinamili niya ay bigas, mga de-lata, chicken nuggets, mga tinapay, kamatis, at gatas. Ibinahagi niya rin ang kaniyang saloobin tungkol dito.
"Lagpas ₱1,000 na po ito. And di pa ito yung regular ko. Off-hand purchase lang kasi may kulang. Regular range ko ₱1,800-₱2,500. To think independent ako, only fending for myself, at walang iniisip na iba. What more sa iba na may pamilya at mas maraming financial responsibilities? Needs lang puwedeng atupagin kasi wala nang extra for wants," aniya.
Dagdag pa niya, "Ang hirap maging mahirap na Pinoy ngayon. And wala naman tayong choice but to get by."
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
"Eh di sa palengke ka mamili kung gusto mong makatipid."
"Sobrang hirap na nga ng buhay ngayon, tsk, tsk. Kawawa naman yung mga walang trabaho o kaunti lang ang sinusuweldo."
"You're buying rice at a grocery store? What do you expect? Half yung presyo niyan compare sa mga nasa palengke? Also, pinakita mo sana rin kung anong brands ng kinuha mong de-lata. Para naman ma-justify yung nagastos mo sa pinambili mo."
"Actually kung bibili ka talaga sa mga Supermarket/x-mart mahal talaga. Less hassle ka walang siksikan o hindi ka papawisan. Pero kung gusto mo makamura, sa public market baka maka-menus ka kahit papano. And try alternative o other brand na same quality din ng usual items mo. Pero pag malayo ka sa market tatagain ka naman sa pamasahe. HAHAHAHAHAHAHA."
"May kilala ako, 5 kids, 3 nag-aaral, 2k for a week ang budget, nakakakain ng 3 times a day. Minsan diskarte rin naman kasi ang kailangan, mas magastos talaga kapag independent ka lang. Dahil mag-isa ka, mas gusto mo bumili ng pagkaing masarap, ika nga deserve mo yun since you are working for yourself. Di mo kailangan magtiis. Pero yung iba, mas nagiging madiskarte dahil mas ramdam nila yung pagtaas ng bilihin. Pero kaysa magreklamo, mas gugustuhin nilang mamili sa palengke nang maaga para fresh at mura pa ang bentahan. Natututo silang piliin ang needs before wants."
"Bakit paladesisyon yung mga nasa comment section? Eh gusto ng tao na mamili sa supermarket eh. Karapatan naman niya sigurong magpahayag ng saloobin niya bilang mamimili at taxpayer ng bansa. Itong mga taong ito, masyadong maka-depensa sa gobyerno eh."
"Karamihan dito sa comsec sanay sa bare minimum yak."
Kaya naman, may paalala ang uploader sa mga netizen.
"WAG NYO PO I-GASLIGHT ANG EXPERIENCE KO. SANA MASARAP ULAM NYO AT NG PAMILYA NYO THANK YOU SO MUCH."
Eksklusibong nakapanayam ng Balita Online si Lord Harvey tungkol sa viral post na ito. Siya ay 30 taong gulang, namumuhay mag-isa sa Cubao, Quezon City at nagtatrabaho bilang isang manunulat.
"Di talaga ako usually nagsusulat ng social commentaries kasi di ako adept enough about the subject to give my opinions, lalong-lao na publicly sa social media. Pero literally nasa supermarket na kasi ako nun and nagbabudget bumili ng mga kulang kong necessities. Spur of the moment lang talaga na realization. Didn't think it would go viral like that," kuwento ni Lord Harvey.
Hindi raw niya akalaing magba-viral ang kaniyang FB post na noong una ay kinokomentuhan lamang ng kaniyang real at virtual friends.
"Noong una, friends ko lang nagre-react: mga care and heart emojis. Tapos may nag-aagree na comments from them. Tapos biglang one share led to another and biglang random people na rin ang nagbigay ng mga opinion nila about my lifestyle at yung lifestyle nila. Mukhang half nag-agree, half umatake sa place kung saan ako bumili at ano pinagbibili ko," aniya.
Sa kabilang banda, marami raw siyang napagtanto habang namimili siya at nag-viral ang kaniyang Facebook post.
"Ang realization ko po ay may iba talagang di parehas ang pananaw mo sa bagay bagay. Kung sila daw may 1k baka mas marami pa raw mabibili nila. Iba puro hate lang talaga pinagsasabi. That was when I muted na the notifs and the public comment settings. We can't deny na nagmamahalan na lahat, palengke man o sa supermarket. Di lang necessities nagmamahalan, literally lahat."
"Gets ko yung punto nila na maging madiskarte pero naging madiskarte na rin in my own way. Bumili lang talaga ako sa grocery non dahil nakulangan stock ko ng wheat bread and soymilk hehe if may alam po kayong murang wheat bread and soymilk sa palengke let me know po kasi doon na ako bibili. I'm lactose intolerant kasi so I need plant-based milk because my stomach can't process dairy properly."
"I try to eat healthier na rin since cancer runs in the family, my mom died from that. So choice ko yung less calories and cholesterol by default. Pero syempre may cravings din. Kaya may hopia ako dun ehehe I don't eat as much pork and beef so ang meron lang akong stock ay canned fish, tuna and spanish sardines yung de lata sa pic. Yung convenience din inisip ko kaya sa grocery nako bumili, pero maybe I could be more resourceful nga at madiskarte as most of the comment said."
"Pero if bibili ako sa Farmers Market, ang mabibili ko lang doon na need ko ay sibuyas, garlic, gulay, bigas, at prutas. All same same lang price sa grocery. What I wanted to say sa post ko is that before, mas marami pa talagang nabibili with 1k. Gets ko na may inflation and supply and demand. Pero ridiculously high ngayon dahil sa pandemya, the russia-ukraine war, calamities. Maraming factors around the world and the whole world is suffering. And gets ko yun."
"I'm one of the lucky ones nga kasi I can still buy my needs and wants. Pero what if yung iba na wala talaga? Need na lang ba talaga maging madiskarte always?? Need ba na barest of bare minimum ang makukuha nila. Nakakahinayang na resiliency card na lang lagi gusto nilang gamitin natin. Tumataas lahat pero sahod hindi."
Isa pa sa mga napagtanto raw ni Lord Harvey, na lahat ngayon, isyu na at nababahiran ng usaping politikal.
"Everything is political and mahirap magtopic ng economics kung di kasali ang ibang factors. Ang tunay na kaaway ay korapsyon, hindi kapwa Pilipino. Pero minsan mahirap maging better person kung pinagmumukha sa'yo na mali ka kasi mas tama sila. And TBH di talaga ako nagchi-chicken nuggets, first time ko ulit bumili non since nag-umpisa ako with my meal preparations. I've been eating white meat chicken since 2020 nung nagpapayat and start ako ng caloric deficit. So parang injust wanted to try it out since i keep hearing the meme everywhere. And dun nako sa chicken breast nuggets kasi white meat yun."
Sa ngayon ay umabot na sa 8.4K reactions, 7.5K shares, at 343 comments ang naturang viral FB post.