Pinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang ilang opisyal ng ahensya ng gobyerno kaugnay sa planong pag-angkat ng pataba sa 2023.

Kabilang sa dumalo sa pagpupulong sa Malacañang nitong Lunes ang mga opisyal ngDepartmentof Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), at Philippine International Trading Corporation (PITC), ayon sa social media post ng Office of the Press Secretary (OPS).

“Sa pagtitipon, tinalakay ang mga detalye ng pag-aangkat ng fertilizer sa bansa, kabilang ang kumpirmasyon ng kakailanganing dami nito para sa taong 2023,” banggit ng OPS.

Tinalakay din sa pagpupulong ang memorandum of agreement sa pagitan ng DA at PITC.

Nauna nang inihayag ni Marcos na itutuloy nito ang government-to-government deal upang matiyak ang sapat suplay ng pataba at hindi na tataas ang presyo nito.

Nitong Hulyo, sinabi ni Marcos na susulatan nito ang pamahalaan ngChina, Indonesia, United Arab Emirates, Malaysia, at Russia upang humingi ng diskuwento sa patabang pakikinabangan ng bansa.