Sabay na napanalunan ng dalawang mapalad na mananaya ang jackpot prizes ng GrandLotto 6/55 at Lotto 6/42 na parehong binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Sabado ng gabi.

Sa paabiso ng PCSO nitong Linggo, nabatid na isang lucky bettor mula sa Triangulo, Naga City ang matagumpay na nakahula sa six-digit winning combinations na 40-03-34-37-19-15 ng Grand Lotto 6/55 kaya’t naiuwi nito ang jackpot prize na P29,700,000.

Mayroon rin namang 12 mananaya ang nakapag-uwi ng tig-P100,000 na second prize para sa nahulaang tiglimang tamang numero.

Samantala, isa pang masuwerteng mananaya na mula naman sa Pitogo, Quezon ang matagumpay na nakahula ng six-digit winning combination na 31-32-08-25-29-14 ng Lotto 6/42 kaya’t naiuwi nito ang katumbas na jackpot prize na P15,395,114.80.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Mayroon rin namang 22 bettors ang nakapag-uwi ng tig-P24,000 na second prize para sa nahulaang tiglimang tamang numero.

Ayon sa PCSO, ang mga mapapalad na lotto winners ay maaaring magtungo sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City upang makubra ang kanilang premyo.

Kailangan lamang anila ng mga ito na dalhin ang kanilang winning tickets at magprisinta ng dalawang balidong IDs.

Ang Grand Lotto 6/55 ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado, habang ang Lotto 6/42 ay binubola naman tuwing Martes, Huwebes at Sabado.

Samantala, hinimok namang muli ni PCSO General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro, partikular na ang lotto, upang magkaroon na ng pagkakataong magiging susunod na milyonaryo, ay makatulong pa sa kawanggawa.