Gusto mo bang manirahan sa loob ng isang pelikula? Ito na ang pagkakataon mong maranasan ang maging "main character" sa sarili mong bahay dahil ang "Creel House" mula sa hit series ng Netflix na "Stranger Things" ay opisyal na ibinebenta sa halagang $1.5 milyon.
Ang bahay ay matatagpuan sa 906 E 2nd Avenue sa Rome, Georgia, na kilala rin bilang Creel House mula sa "Stranger Things" season four ay ilapag na sa merkado.
Ito ay may pitong kwarto, pitong bathroom, may isang guesthouse sa likod ng pangunahing bahay, at may 6,000 sq. ft. na lawak na kasalukuyang ibinebenta sa halagang $1.5 milyon.
Ayon sa may-aring sina Shane Fatland at Bryan Schreier, binili nila ang property noong 2019 sa halagang $350,000 at gumastos ng higit sa $500,000 sa pagsasaayos at pagpapanumbalik ng bahay sa orihinal nitong Victorian glory na may modernong twist.
"The house is massive. The pictures don’t show the true scale of the house," ani Schreier.
Ang tirahan ay itinayo noong 1882 ni Colonel Hamilton Yancey. Marami sa mga orihinal na detalye ng bahay, tulad ng mga handcrafted na bookshelf at isang antigong wall safe, ay nasa lugar pa rin.
At sa bahay na ito unang binuo ng kontrabida sa Stranger Things Season 4 na si Vecna ang kanyang supernatural na kapangyarihan.
Ayon sa kwento ng series, nagsimula si Vecna bilang isang regular na batang lalaki na nagngangalang Henry Creel. Ang serye ay nagdodokumento sa kanyang pagpapalaki sa Creel home sa pamamagitan ng mga flashback.
Unti-unti niyang napagtanto na mayroon siyang psychokinetic powers at sinimulan niyang gamitin ang mga ito para saktan at sa huli ay patayin ang kanyang ina at kapatid na babae.