Magsasagawa ng special telethon ang Caritas Manila, katuwang ang church-run Radyo Veritas, ngayong Lunes, Nobyembre 7, upang paigtingin pa ang kanilang pagsusumikap na matulungan ang mga biktima ng bagyong Paeng kamakailan.

Nabatid na ang naturang special telethon ay gaganapin mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon sa Radio Veritas 846 khz habang ipagpapatuloy naman ito online sa Facebook page na DZRV 846 at Caritas Manila Inc. mula alas-2:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi.

Mismong si Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Rev. Fr. Anton CT Pascual naman ang mangunguna sa isasagawang telethon, kung saan mapapakinggan at mapapapanood din ang mga kinatawan ng iba’t-ibang Diyosesis ng naapektuhan ng bagyo.

Ayon sa Caritas Manila, ang lahat ng makakalap na donasyon sa nasabing telethon ay ibubuhos para sa mas malawak na pagtugon ng Caritas Manila sa relief and recovery programs sa mga apektadong lalawigan.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Inanyayahan rin nito ang mga nais na magbahagi ng tulong na tumawag lamang sa Caritas Manila hotline number 8562 4269 o sa mobile number na 0905 428 5001 at 0967 276 4806.

Samantala, tiniyak rin ng Caritas Manila na patuloy ang ginagawa nilang pag-agapay sa iba’t-ibang mga lalawigan na naapektuhan ng bagyong Paeng.

Katuwang ang Archdiocese of Cotabato, ilang mga pamilya sa Maguindanao ang binigyan na ng tulong sa pagtutulungan ng nasabing Arkidiyosesis, Caritas Manila at Coca- Cola Foundation kung saan P500,000 ang agad na ibinahagi para sa lalawigan ng Maguindanao at Cotabato.

Ayon kay Rev. Fr. Clifford Baira, Social Action Director ng Archdiocese of Cotabato, malaking tulong ang ipinadala ng Caritas Manila at Coca-Cola Foundation para maibsan ang kagyat na pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo.

Hindi naging balakid sa grupo ni Fr. Baira ang mahirap na daan at layo ng mga baryo kung saan ipinaabot nila ang nasa 500 food bags sa bayan ng North at South Upi ganun na din sa Datu Piang, Maguindanao.

“Nasa biyahe po kami ngayon kahapon nasa North Upi Maguindanao kami papasok naman kami sa South Upi. We gave almost 200 bags [kahapon] then 300 bags for today in other areas. South Upi and Datu Piang,” ani Fr. Baira.

Matatandaang una na ding nagpadala ng tulong ang Caritas Manila para sa mga lalawigan ng Capiz, Antique at Aklan na labis din ang mga pagbaha dahil sa bagyong Paeng.

Tinatayang umabot sa mahigit P1.7 milyon na ang paunang tulong ng social arm ng Archdiocese of Manila para sa may anim na Diyosesis o pitong lalawigan na pinaka-naapektuhan ng bagyong Paeng.