Patuloy na isinusulong at pinagsisikapan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na handa ang bansa sakaling may banta ng tsunami.

Ang tsunami ay isang serye ng mga alon sa dagat na nabuo ng wide-scale events kabilang ang mga lindol, pagguho ng lupa, at pagsabog ng bulkan. Bagama't bihira itong mangyari sa bansa, muling iginiit ng Phivolcs na ang Pilipinas ay vulnerable sa tsunami dahil sa mga offshore fault at trenches, partikular na ang Manila Trench, Negros Trench, Sulu Trench, Cotabato Trench, Philippine Trench, at East Luzon Trough.

Sa pag-alala sa World Tsunami Awareness Day nitong Sabado, Nob. 5, pinili ng Phivolcs na maglunsad ng infopress para maunawaan ng mga Pilipino ang agham ng tsunami.

“Layunin ng World Tsunami Awareness Day na pataasin ang kaalaman ng mga tao sa tsunami at magbigay ng iba't ibang paraan upang mabawasan ang pinsala nito,” anang Phivolcs.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Ang pagdiriwang ay opisyal na inilunsad noong 2015 at, ayon sa United Nations, ay ang "brainchild" ng Japan.

Samantala, patuloy na pinalalakas at pinapaganda ng Phivolcs ang tsunami monitoring and communication system ng bansa. Sa kasalukuyan, mayroong 29 sea-level monitoring stations at 55 tsunami alerting stations sa buong Pilipinas.

Bukod pa sa mga hakbangin na ito, patuloy na itinataguyod ng ahensya ang kamalayan sa antas ng komunidad tungkol sa mga palatandaan ng paparating na tsunami gayundin ang mga pamamaraan sa paglikas, na ipinuntong na ang isang end-to-end tsunami early warning system ay makapagsasalba ng libu-libong buhay.

Charlie Mae F. Abarca