Sinabi umano ng sinasabing "middleman" sa pagpaslang kay hard-hitting journalist Percival "Percy Lapid" Mabasa, na isang nagngangalang "Bantag" ang nag-utos upang ipapatay ang naturang mamamahayag.

Sa isang television report, sinabi ni self-confessed gunman Joel Escorial na mismong ang umano'y "middleman" na siCristito Villamor-Palaña ang humiling sa kanya na huwag nang isapubliko ang pangalang "Bantag" na sinasabing nag-utos na likidahin si Lapid.

Ayon kay Escorial, sinabi sa kanya ni Villamor na kung mabubunyag ang pagkakakilanlan ng taong nagpapatay kay Lapid ay ipapapatay din siya nito.

Paliwanag ni Escorial, ito ang dahilan kung bakit hindi niya pinangalanan ang nagpapatay kay Lapid nang sumuko ito sa mga awtoridad.

Eleksyon

Maja Salvador kay Tito Sotto: 'Senador na maaasahan'

Si Villamor ay namatay apat na oras matapos iharap sa publiko si Escorial nitong Oktubre 18.

Itinuturo ni Escorial si Villamor na kumontak sa kanyang grupo upang patayin si Lapid.

Kabilang ang pangalang "Bantag" sa iniharap na supplemental affidavit ni Escorial nitong Oktubre 22.

Nitong Oktubre 26 ay humarap sa publiko si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at itinanggi na may kinalaman ito sa pagpatay kay Lapid.

Si Bantag ay isa sa 160 persons of interest sa kaso, at kabilang din sa binabatikos ni Lapid sa kanyang programa sa radyo.

Sinuspindi si Bantag kasunod na rin ng pagkamatay ni Villamor.

Matatandaang pinagbabaril si Lapid habang sakay ng kanyang kotse sa labas ng gate ng BF Resort Village sa Las Piñas nitong Oktubre 3 ng gabi.