Isa ka rin ba sa mga nakatanggap ng link na may bungad na tanong, ‘Ikaw ba ang nasa video?’ May babala ang pulisya ukol dito.

Viral muli online ang isang paalala ng Regional-Cybercrime Unit 8 ng Philippine National Police (PNP) laban sa nasabing modus ng mga scammer.

Paliwanag kasi ng awtoridad, isang uri ito ng phishing link na partikular na ipinapakalat sa Facebook Messenger.

Dagdag ng babala, ang nasabing link ay maaaring makapag-hack, o mangompromiso sa account ng sinumang makatatanggap nito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kaya ang malinaw na payo nila, iwasang buksan ang nasabing link upang hindi mabiktima ng online scam, identity theft at ilegal na pag-akses sa pribadong social media account.

Bagaman Hulyo pa ipinaskil ng yunit ang paalala, inulan ng testimonya mula sa maraming netizens ang parehong modus hanggang ngayong pagbubukas ng Nobyembre.

Hinihikayat naman ng awtoridad na idulog sa kanilang hotline na 0956-9169-617, at 0998-5716-064, kung nakompromiso ang Facebook account dahil sa talamak na modus.

Patuloy din nilang paalala na mag-ingat sa mga kaduda-dudang mensahe, at online links, lalo na kung mula sa hindi kilalang account.